Advertisers
SINAMPAHAN nung Biyernes, Mayo 12, ng kasong ‘korapsyon’ sa tanggapan ng Ombudsman ang dating alkalde at dalawa pang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Cagayan de Oro dahil sa umano’y maanomalyang “COVID-19 ayuda” noong 2021.
Inireklamo ng anti-graft and corrupt practices act, falsification of public documents, at malversation of public funds sina ex-City Mayor Oscar Moreno, City administrator Teodoro ‘Teddy’ Sabugaa Jr at ex-MSWD officer Mark Pabello.
Batay sa reklamo nina Barangay Kagawad James Judith at Kagawad Malvern Esparcia, nadiskubre nila ang katiwalian sa umano’y pagpapalabas ng higit P700 milyon na special ECQ ayuda na ipinamahagi sa mamamayan ng naturang lungsod.
Ipinagkibit-balikat lamang ni Moreno ang naturang kaso at sinabing wala itong laman.
Nanindigan ang dating alkalde na walang anomalya sa ginawa nilang cash distributions sa mamamayang taga-lungsod na apektado ng pandemya noong 2021.