Advertisers
Hinatid na kahapon (June 8, 2023) sa kanyang huling hantungan si pareng Cris Bunduquin ang radio broadcaster na tumuligsa sa mga tiwaling politiko at sa talamak na iligal na sugal sa Oriental Mindoro.
Iyan ang ilan sa mga nakikitang dahilan ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director, Undersecretary Paul Gutierrez para itumba ang komentaristang si Crecenciano “Cris’ Bunduquin, 50 taong gulang may-asawa at mga anak blocktimer ng DWXR 101.7 Kalahi FM sa Calapan City, Oriental Mindoro noong Mayo 31.
Si Bunduquin ay pinagbabaril ng riding-in-tandem 4:30 ng madaling araw ng Linggo habang naghahanda ito sa pagbukas ng kanyang tindahan sa tabi ng kalsada.
Ayon kay PTFoMS Usec Paul Gutierrez, na personal na nag-imbestiga sa krimen, dalawang bagay ang nakikita niyang rason sa pagpaslang sa Broadcaster: ang pagtuligsa sa mga tiwaling politiko sa Oriental Mindoro, at pag-atake sa mga operator ng iligal na sugal.
Pero kung ang kapulisan sa Oriental Mindoro ang tatanungin, lagi nilang iginigiit ang anggulo na sangkot sa iligal na droga ang mga salarin, na nasa narco-list ng probinsiya. Pesteng yawa!
Ayon pa sa kapulisan, ang isang nasawing gunman na nakilalang si Narciso Ignacio Guntan ay dati na raw nakulong sa iligal na droga, nakasuhan ng frustrated murder, at nagtatrabaho rin sa pergalan (perya-sugalan).
Namatay si Guntan matapos habulin ng kotse ng anak ni Bunduquin at bundulin ang sinasakyang motorsiklo ng mga salarin, kungsaan tumilapon si Guntan at nabagok ang ulo, habang ang angkas niya na siya mismong bumaril sa media man ay nagawang makatakas sa pamamagitan ng pagtakbo.
Sabi ng SITG Bunduquin, tukoy na nila ang nakatakas na gunman na si Isabelo Lopez Bautista, 45, may asawa, residente ng Barangay Alcadesma, Bansud, Oriental Mindoro.
Si Bautista ay hindi pa nahuhuli ng pulisya simula nang paslangin si Bundoquin noong Mayo 31, 2023 sa harap ng kanyang tindahan sa Barangay Santa Isabel bandang 4:00 ng umaga.
Sinabi ni Gutierrez na ang isa pang person of interest ay isang opisyal ng probinsiya na nagpapatrabaho kay Bautista paminsan-minsan bilang driver at binatikos din ni Bundoquin sa kanyang programa sa radyo.
May tatlong “persons of interest” na ang pulisya sa pagpatay sa brodkaster ng Oriental Mindoro kung saan kabilang dito ang isang police major at lokal na opisyal ng gobyerno sa nasabing probinsya.
Ayon naman sa ilang mga kabaro natin sa hanap buhay, marapat na imbestigahan umano ang isang mediamen na nagtatrabaho sa City Hall na diumano inutusan ng kanyang Boss na kausapin si Bunduquin na itigil na ang pagbanat sa iligal na sugal dalawang lingo bago itumaba si Bunduquin.
TAKE NOTE; personal diumano na nagtungo sa bahay ni Bunduquin ang nabanggit na mamamahayag na empleyado ng gobyerno para muling iparating kay Bunduquin ang pakiusap na itigil na ang pagbatikos sa iligal na sugal.
Tanong ng mga mamamahayag sa Oriental Mindoro ay kung bakit walang nasisibak na PNP officials sa nasabing probinsya gayong mahigpit na ipinatutupad ang “One Strike” at “No Take’ Policy ni PNP Chief, General Benjamin Acorda Jr., kung saan pagbanat sa iligal na sugal ang dahilan ng pagkakapatay sa Broadcaster upang hindi maimpluwensiyan ang isinagawang imbestigasyon dahil puro panggigiit ng kapulisan na sangkot sa droga ang mga salarin imbes na tutukan kung sino itong LGU official at Police Major na “sabit” sa Bunduquin murder. Peryod!
Tutukan natin!
***
Suhestyon at Reaksyon mag-email lang sa balyador69@gmail.com. – Ugaliin ring makinig sa programang “BALYADOR” mula lunes hanggang biyernes 11:00am-12:00noon sa RADYO NG MASA entertainment net radio. tuwing miyerkules 9:00am-10:00am sa 96.9 FM Radyo Natin Calapan City, Oriental Mindoro at tuwing Sabado 9:00am-10:00am sa DWBL 1242 kHz AM Mega Manila. Mapapanood live sa Facebook at Youtube chanel.