Advertisers
NANGANGANIB na matanggal sa serbisyo ang tatlong pulis sa lalawigan ng Caraga nang magpositibo ang mga ito sa random at mandatory drug tests ng Police Regional Office (PRO)-13 (Caraga) sa 4,871 police commissioned at non-commissioned officers mula Enero 1 hanggang Hunyo 21, 2023.
Hindi na muna pinangalanan ang tatlong pulis na nagpositibo sa ilegal na droga.
Ayon kay PRO-13 Director, Brigadier General Pablo G. Labra II, ilan sa unit commanders ang humiling sa 13th Regional Forensic Unit (RFU) na magsagawa ng surprise drug tests sa lahat ng tauhan.
Sinabi ng 13th RFU, isinailalim nila sa drug test ang 566 pulis sa Agusan del Norte, 874 sa Agusan del Sur, 530 sa Surigao del Norte, 363 sa Surigao del Sur, 245 sa Dinagat Islands, at 2,293 mula sa regional headquarters at regional support units.
Base sa PNP Memorandum Circular 2021-019, sinumang unipormadong tauhan na mapapatunayang positibo sa droga pagkatapos ng confirmatory test ay kakasuhan ng administratibo para sa Conduct of Unbecoming of a Police Officer alinsunod sa National Police Commission Memorandum Circular No. 2016-002 ng walang pagkiling sa pagsasampa ng naaangkop na mga kasong kriminal sa ilalim ng Republic Act No. 9165, Comprehensive Dangerous Drug Law ng 2002.