Advertisers
NASAWI ang isang motoristang sundalo nang barilin ng dalawang lalaki at tinangay ang kanyang motorsiklo, Huwebes ng gabi sa Kabacan, Cotabato.
Sa pahayag nitong Byernes ni Major Maxim Peralta, hepe ng Kabacan Municipal Police Station, galing sa kanilang detachment sa Pikit, Cotabato si Pfc. John Ian Delgado ng 90th Infantry Battalion nang pagbabarilin ng riding in tandem na nakabuntot sa kanya sa bahagi ng Cotabato-Davao highway sa Barangay Kayaga sa naturang bayan.
Ayon sa mga imbestigador ng Kabacan MPS na nag-responde sa insidente, tama ng bala sa ulo at iba’t ibang parte ng katawan ang ikinamatay ni Delgado.
Itinayo ng isa sa mga salarin ang natumbang motorsiklo ni Delgado, sinakyan at pinaharurot patungo sa hindi kalayuang bayan ng Montawal, habang nakasunod ang kasama nito na sakay din ng motorsiklo.
Ayon kay Brig. General Jimili Macaraeg, director ng Police Regional Office-12, may indikasyon na pag-agaw sa motorsiklo ni Delgado ang motibo ng mga salarin.
Ilang beses nang may mga kahalintulad na madugong “agaw motor” incident sa mga probinsiya ng Cotabato, Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte mula 2019.