Advertisers
SUNUD-SUNOD ang naging dagok sa imahe ng pambansang pulisya. Matinding hamon ito kay Chief PNP Benjamin Acorda, Jr.
Ang pinakahuling kagagohan na ginawa ng mga pulis ay ang pagpaslang sa isang 17-anyos na mangingisda sa Barangay NBBS Kaunlaran, Navotas City.
Ang palusot ng mga pulis ni Colonel Allan Umipig, ang hepe ng Navotas City Police, napagkamalan nilang suspek sa pagpapaputok ng baril ang binatelyong si Jemboy Baltazar.
May hinahabol daw kasi ang mga pulis na nagtago raw sa isang bangka.
Itong biktima kasama ang isang kaibigan ay kasalukuyang naglilimas ng tubig sa bangka na gagamitin sa pagpalaot para mangisda nang dumating ang mga pulis at nagpaputok. Sa takot ng biktima tumalon ito sa dagat, habang ang kanyang kasama ay nagtago sa loob ng bangka.
Pagtalon sa tubig, pinagbabaril ng mga pulis si Baltazar na nasapul sa ulo. Pagkatapos pagbabarilin, hinayaan ng mga pulis ang biktima na nakalubog sa tubig. Halos higit 3 oras pa raw bago nila ito iahon. Tsk tsk tsk…
Sinibak na raw sa puwesto ang mga pulis. Ganun lang?
Dapat masibak sa serbisyo ang naturang mga pulis. Bugok sila!
Ang mga pulis ngayon, lahat ay college graduate (karamihan criminology), nakapasa sa board, sumailalim sa matinding training, may schooling pa, tapos pagdating sa operasyon ay ganun katanga? Hindi alam ang tama at mali? Wow!!!
Bago ito, 9 na pulis sa Imus, Cavite ang nagsagawa ng operasyon laban sa isang retiradong babaeng titser na inakusahang nagtutulak kuno ng droga. Giniba ng mga ito ang gate at pinto ng bahay ng biktimang 67-anyos. Paglabas ng bahay, may mga bitbit nang nakasupot na mga gamit ang mga bugok na pulis. Tinangay din daw nila ang P80,000 at laptap ng titser na noo’y nag-iisa lang sa bahay.
Ang ginawang ito ng mga pulis ay nakuhanan ng CCTV. Kaya walang lusot ang mga bugok!
Mantakin mong pinasok ang bahay ng biktima nang wala manlang search warrant, at hindi rin gumamit ng body camera!
Ganito rin ang nangyari sa Sampaloc, Manila nang pasukin ng anim na pulis ang isang computer shop at akusahan ang matandang may-ari na nag-o-operate ng iligal na online gambling, tapos kinuhanan ng P40,000 at nagpapatimbre ng “weekly”. Tinangay pa nila ang memory card ng CCTV para hindi marebyu ang kanilang pinaggagawa sa loob ng shop. Nag-operate sila ng walang search warrant.
Dapat matanggal sa serbisyo ang mga pulis na iyon, General Acorda, Sir!
***
Kailangan higpitan pa ng PNP ang pagre-recruit ng bagong personnel. Unang tingnan ang pag-uugali at background ng pamilya.
Oo! Kung inyong mapapansin, karamihan ng mga pulis na gumagawa ngayon ng kawalanghiyaan ay mga Corporal at Patrolman palang. Hindi na sila dapat pinatatagal pa sa serbisyo, sibakin agad bago pa makahawa ng maaayos na pulis.
PNP Internal Affairs Service (IAS) Inspector General Alfegar Triambulo, Sir! aba’y bilis-bilisan ninyo ang mga pag-iimbestiga sa mga kaso ng pulis na nakasampa sa tanggapan ninyo, para hindi na mangitlog pa ang mga bugok na parak sa puwesto!
***
Malakas ang panawagan kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na ipaayos ang nakabarang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal bago pa ito tuluyang lumubog sa pagkain ng kalawang.
Kung may bilyones na budget ang gobyerno para sa confidential at intel funds, baka puwedeng pag-aksayahan naman ang pagpagawa sa BRP Sierra Madre? Now na!