Advertisers
INIHAHANDA na ng Philippine National Police (PNP) ang patung-patong na kasong isasampa laban sa guro na nanampal-paatay ng isang estudyante sa Peñafrancia Elementary School sa Antipolo City.
Kinilala ni Police Executive Msgt. Divina Rafael, hepe ng Women and Children’s Section Desk- Antipolo City Police Station, ang guro na si Marisol Sison, Filipino teacher sa Peñafrancia Elementary School,.
Binawian ng buhay sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang Grade 5 student na si Francis Jay Gumikib, 14 anyos, sanhi ng namuong dugo sa kanyang ulo.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang insidente September 20, 2023 sa silid-aralan.
Kwento ng mga kaklase, bigla na lamang nilapitan ng kanilang guro ang biktima sabay sinabunutan, hinila ang damit at sinampal sa bahagi ng tenga.
Ayon sa pulisya, nasampal ng guro ang biktima dahil sa maingay at magulong mga estudyante nito.
Pag-uwi sa kanilang bahay, nagsumbong sa kanyang ina ang biktima at dumaing ng pananakit ng tenga, ulo at mata.
Ayon kay Elena Minggoy, ina ng biktima, nasundan ito ng pagkawala ng balanse, at nagsuka kaya dinala sa ospital. Pero nalagutan ito ng hininga nitong Martes, Oktubre 3.
Batay sa rekord ng ospital, nagkaroon ng pagdurugo sa utak ng bata at kinalaunan binawian ng buhay.
Sinabi ni Rafael na naka-usap na nila ang nasabing guro, na inamin na dumapo ang kamay sa mukha ng bata ngunit hindi naman ito malakas.
Sinabi ni Rafael na hinihintay pa nila ang resulta ng isinagawang autopsy upang malaman ang sanhi ng pagkamatay ng biktima at bahala na ang doctor ang mag-testify at magpaliwanag kung ano ang naging dahilan ng pagkamatay ng estudyante.
Mahaharap ang guro sa kasong ‘homicide’ na may kaugnayan sa RA 7610Anti-Child Abuse Law l.
Samantala, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Department of Education kaugnay ng nasabing insidnete.(Mark Obleada/Edwin Moreno)