Advertisers

Advertisers

MALALIM ANG TINUTUKOY

0 1,445

Advertisers

MATAGAL bago nakapanghagilap ng sagot ang prinsesa ng kabobohan mula sa katimugan na si Inday Siba hinggil sa pinaka-iibig na Confidential and Intelligence Fund. Sa sinabi ni Inday Siba, pansin ang kawalan ng kababaang loob na binanggit na kung sino ang laban sa CIF ay kalaban ng bayan at laban sa kapayapaan. Ano at saang lohika napulot ni Inday Siba na ang magtanong o umalam ng paggagamitan ng CIF ay kontra sa bayan at sa kapayapaan. Hindi makitaan ng kagandahan ang sagot ni Inday Siba na ituturing na kalaban ng bayan at ‘di para sa kapayapaan ang sino mang magtanong hinggil sa paggagamitan ng CIF ng opisina ng abalang pangulo. Sa halip na maghanda si Inday Siba sa anumang katanungan na ibabato hinggil sa CIF o pondong nais tustusan ng opisina ng OBP, pagbabanta ang pahayag na tila daig ang amasona sa tapang.

Sa pahayag na tinuran ng abalang pangulo, kita na hindi nakapagsiyasat ang OBP sa mga taong nagtanong hinggil sa CIF higit kay Senadora Risa Hontiveros. Sa opisina ng abalang pangulo, nais ipabatid na si Sen. Hontiveros ang isa sa mga unang convenor ng Coalition for Peace na kinikilala ng UNICEF bilang katuwang sa CSAC ( Children in Situation of Armed Conflict ) Program hindi pa man ito pumapasok sa mundo ng pulitika. At wala sa hulog ang sabihing kontra kapayapaan ang senadora dahil sa paghahanap ng paggagamitan ng pondong hingi ng OBP. O sadyang bobo at masiba si Inday Siba sa pondo ng bayan. Sa unang sigwa sa pambansang opisina bilang bagong halal na abalang pangulo, humingi ito kay Boy Pektus ng malaking pondo na ibinigay. At ng tanungin sa kung saan itinustos, maglubid ng paliwanag kung saan at paano ginamit ang pondong ibibigay. Ang masakit, parang patay na hayop ng umalingasaw ang baho.

Sa pag-alingasaw ng baho sa opisina ng abalang pangulo, mayroong mga taong mapagmalasakit sa bayan ang naglabas ng ibang kaalaman hinggil sa pagkakaroon ng CIF ni Inday Siba bilang alkalde ng isang bayan sa katimugan. Hindi barya ang halaga, kundi daan-daang milyon na ‘di batid kung saan o ano ang pinaggamitan. At ang dahilang ito ang nagtulak sa abalang pangulo na gumuhit ng linya upang mabatid kung sino ang kalaban o kakampi. Ang pabor at ‘di nagtatanong hinggil sa CIF ay para sa kapayapaan at nagmamahal sa bayan. Habang ang nagtatanong at umusisa’y kalaban ng bayan at ‘di sa kapayapaan. Sa tinuran, gumuhit ng linya ang abalang pangulo na ipinapakita na ito’y tatayo para sa sariling kapayapaan ‘di bale na ang bayan. At sa paglalahad, tila may dalang sandata sa magkabilang kamay ang abalang pangulo natatakot o uutas sa kalaban ng makamtan ang kapayapaan para sa pondong pagpapasasaan.



Sa kasamaang palad, dumami ang Pinoy na tumayo’t nagpapahiwatig na mainam para sa abalang pangulo ang ipabatid sa taong bayan kung paano ginastos ang P125M sa loob ng 11 isang araw. Ang pagpapabatid ang paglilinaw sa hiling na pondo na gagamitin para sa susunod na taon. Hindi pa usapin ang naunang taunang pondo na CIF na ginamit ng dating alkalde. Nahihiwagaan si Mang Juan sa napakabilis na naubos ang P125M gayung isang maliit na ahensya ang OBP. Si Mang Juan nga eh, inusisa ang mga anak kung ano at paano ginastos ang baong P50 na inabot. Nararapat na ipabatid sa bayan ni Inday Siba kung paano inubos ang P125M sa loob ng 11 isang araw. Magagawa ba?

Balikan ang hamon na ibig iparating ni Inday Siba sa mga kritiko higit sa mga tahimik ngunit malalim ang kilos. Malalim ang hamon dahil inaalam kung sino ang kanya at hindi lalo sa malayong halalan. Maraming tahimik ngunit kumikilos ng palihim upang mabunutan ng pangil ang prinsesang butangerang mapagtanim. May lider sa kongreso na ‘di kumikibo ngunit kinakaliskisan kung paano ‘di tanaw na kalaban ang tindig gayung mababawasan ang kapritsong hiling. At hindi usapin ang salapi higit ‘di galing sa sariling lukbutan ang ilalaan. Ang magamit ang salaping ilalaan sa gastusing magpapalakas sa katayuang pulitikal ni Inday Siba ang nais mapigilan. At ito ang iniwasan ng kung sinong ayaw magpa mukha, ayaw lumabas ngunit kita ang ulo dahil tila pako ang paraan ng pagtatago. Ano masasabi ng Aleng Maliit mula sa Lubaw?



Sa pagsasabi ni Inday Siba hinggil sa kalaban ng bayan at kapayapaan, naging masalimuot ang laban sa CIF hindi ng bayan ngunit ng mga politiko na namamangka sa dalawang ilog. Walang maglalabas ng baraha sa aga ng giyera ng dalawang grupo na nasa parehong kampo. Ang pagsisiguro sa kinabukasan ang tinitimbang upang matiyak na sa barilan ng magkakasama, matira ang matibay. Ang pananahimik ang gamit na sandata ng mga bangkerong politiko na wala sa WPS ngunit nasa kongreso. Kita ang mga ngiti sa isa’t isa ngunit masdan ang kamay na tila may balaraw, ito ang dapat ingatan. Sa totoo lang, lihim ang pagkakaiba ng tindig, ngunit malakas ang hilahan pababa higit sa pananaw ng bayan.

Mang Juan, tanaw sa kilos ng magkasamang grupo ngunit magkaiba ang tindig ang paghahanda sa kinabukasan. Nariyan na nagpalabas ng mga survey kuno kung sino-sino ang ibig ng manghahalal sa darating na midterm election. At nagpalabas ng isa pang survey ng tinatawag na trust rating kung saan si Inday Siba ang may mataas na ibig ng mga natanong. O’ isa itong mekanismo upang ‘di makakilos ng kontra ang umuokupa sa puno ng Balite ng Malacanan. Sa totoo lang, tahimik ang grupo ni Boy Pektus maging si anak Ti’ Batac sa malalim na sigalot na nagaganap sa kapulungan ng kongreso.



Sa paglalahad ni Inday Siba sa kung sino ang kalaban ng CIF ay siyang kalaban ng bayan at kapayapaan ang tunay na tindig nito. Malinaw na ‘di ibig ipaalam sa kongreso ang paggagamitan ng nasabing pondo. Sa maling kilos na gagawin ng dalawang kapulungan higit ng magiging sponsor ng pag-alis ng CIF sa tangang ahensya ng abalang pangulo, ito ang titiyak ng linya ng pagkakaiba na maghihiwalay sa mga dating magkakaalyado. Ang pagsasaad na bangit sa unahan ang barometrong gamit kung sino ang kalaban o kakampi. Malupit ang pahayag ni Inday Siba at nagamit ang mga tuwirang tumututol sa CIF, ngunit MALALIM ANG TINUTUKOY higit sa mga kakamping lihim na kalaban. Ang walang takot sa pagpapahayag ang karakas ng nakaraan at sa hinaharap. Samantala, Waray maghanda sa laban dahil walang usapin ng kapayapaan kung sandata ang tangan.

Maraming Salamat po!!!