Advertisers
HINDI basta maaaring tanggalin ng mga pulis ang illegal campaign materials na kanilang makikita kasabay ng pagsisimula ng campaign period nitong Huwebes.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) PIO Chief, Colonel Jean Fajardo, kung may mao-obserbahan ang mga pulis na illegal campaign materials ng mga kandidato ay dapat itong i-document at i-report sa Commission on Elections (COMELEC).
Kabilang na rito ang campaign materials na nakalagay sa labas ng common poster areas, non-authorized places, maging sa mga pribadong lugar o tahanan.
Ani Fajardo, may karapatan ang COMELEC sa pamamagitan ng kanilang local election officers na magpadala ng notice sa mga kandidato na lalabag sa campaign election guidelines at saka mag-iisyu ng show cause order.
Paliwanag pa ni Fajardo, bilang bahagi ang PNP ng deputized agencies ng COMELEC, tutulong ang pambasang pulisya sa poll body upang ipatupad ang guidelines at resolusyong may kaugnayan sa election offenses.