Advertisers
NASAWI ang 20-anyos na motorista at sugatan ang kapatid nang pagtatagain ng mga lalaking nakaabang sa kanila sa gilid ng kalye sa Isabela City, Basilan, Biyernes ng madaling araw.
Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan si Juhadi Jahal Ismali dahil sa mga taga na tinamo sa naturang insidente.
Ginagamot naman sa kasalukuyan ang kanyang sugatang kapatid na si Jimhar, 19 anyos, na maselan ang kalagayan.
Sa pahayag ng Isabela City Police Station nitong Linggo, magkaangkas ang dalawa sa motorsiklo pauwi sa kanilang tahanan 2:00 ng madaling araw ng Biyernes nang harangin sila sa isang bahagi ng kalsada sa Barangay Aguada sa naturang lungsod ng dalawang lalaking may bitbit na mahahabang itak at agad na pinagtataga nang walang habas.
Sa tulong ng mga saksi at barangay officials, agad naaresto ng mga nagrespondeng kasapi ng lokal na pulisya ang may gawa ng krimen na sina Jimsar Bulalin Martines, 25; at Fadzrie Salani Pamata, 26, kapwa naka-detine na at nahaharap sa kaukulang mga kaso.