Advertisers

Advertisers

Pangunahing polisiya ng Maynila, kalusugan ng mga sanggol sa kanilang unang 1000 araw

0 14

Advertisers

TIYAKING malusog ang mga sanggol sa kanilang unang 1000 araw.

Ito, ay ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, na siyang pangunahing polisiya ng pamahalaang lungsod ng Maynnila pagdating sa pagbibigay ng posibleng pinakamahusay na pag-aalaga sa populasyon ng mga bata sa kabisera ng bansa.

Ginawa ni Lacuna ang pahayag, makaraang pangunahan niya ang pagdiriwang ng lungsod ng Children’s Month kasama sina Manila social welfare department chief Re Fugoso at Vice Mayor Yul Servo-Nieto.



Sa kanyang talumpati, binigyang diin ni Lacuna ang kahalagahan ng pagtataguyod at pagbibigay galang sa mga karapatan ng mga bata, kabilang na dito ay karapatang mahalin, suportahan ang kanilang mga pangarap, at karapatan na sila ay mapangangalagaan ng wasto.

Bilang dagdag, sinabi pa ni Lacuna na ang potensyal ng mga bata ay dapat na mahulma ng husto at dapat silang mahalin ng walang kundisyon.



“Dito sa Maynila, walang naiiwan. Lahat kasama, lahat mahalaga. Maging ang mga bata ay kasama sa paninindigan nating ito sa pamamahala. Ito rin ang batayan ng mga inilalatag nating mga programa at proyekto para sa mga Batang Manilenyo,” pahayag ng lady mayor.

Nabatid mula sa alkalde na ang iba’t-ibang sangay ng lokal na pamahalaan ay aktibong nakikilahok sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga bata, partikular sa kanilang kalusugan, kaalaman, pagsasanay, wel-being at kaligtasan.



“Bahagi ng ating polisiya ang City Ordinance 8993 na nagbibigay kasiguruhan na mapapangalagaan ang kalusugan ng bawat sanggol sa unang isang libong araw nito mula pagkasilang. Ito ay ipinatutupad ng ating Manila Health Department (MHD) katuwang ang ating 44 na mga Health Centers at anim na mga ospital,” sabi ni Lacuna.

Mula sa mga tala, sinabi ni Lacuna na mula January hanggang September 2023 lamang ay iniulat ni MHD chief Dr. Poks Pangan na may kabuuang 21,576 bata ang nabigyan na ng kumpletong bakuna. Habang 26,220 mga bata naman na mula 12 hanggang 59 buwan ay nakatanggap na ng dalawang dosis ng vitamin A cap at deworming tablet.

Sinabi rin ng alkalde na nabigyan ng micronutrient supplement ang mga pregnant women at mga bata habang ang Human Milk Bank o storage para sa breast milk ay naitayo na sa Ospital ng Maynila, Justice Jose Abad Santos General Hospital at Gat Andres Bonifacio Medical Center maging ang Supplemental Feeding Program para sa pregnant women ay nagpapatuloy. (ANDI GARCIA)