Advertisers
Nagbigay si Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ng mga sari-sari store at bigasan livelihood packages sa kabuuang 44 na benepisyaryo sa isinagawang flag raising ceremony ng pamahalaang lungsod bilang bahagi ng pagdiriwang para sa kanyang ika-44 na kaarawan noong Lunes, Nobyembre 6.
Pinili ang nasabing mga benepisyaryo sa pamamagitan ng isang Facebook contest, kung saan ang mga residente ng lungsod hinikayat na sumali sa pamamagitan ng pagbabahagi ng dahilan kung bakit kailangan nila ang livelihood package, bukod sa iba pang mga alituntunin.
Ipinahayag ni Mayor Along ang kanyang matinding pagpapahalaga sa panibagong taon ng kanyang buhay at sa pagkakaroon ng mas maraming pagkakataon na makapaglingkod sa publiko at tumulong sa pagbabago ng buhay ng kanyang mga nasasakupan.
“Bilang inyong alkalde, isa po ito sa aking mga simpleng pamamaraan upang higit na makatulong sa ating kababayan ngayong aking kaarawan. At ano pa nga ba ang mas magandang biyaya na matatanggap ko sa aking kaarawan kundi ang pagseserbisyo at pagtulong sa ating kapwa nang may aksyon at malasakit,” wika ni Mayor Along.
Iginiit din no Mayor Malapitan na ang mga programang tulad nito paraan para mabayaran ng kanyang administrasyon ang tiwala na ibinigay ng mga tao sa kanyang pamunuan at nagbigay ng kanyang katiyakan na ang mga hindi napili makikinabang sa iba pang oportunidad na ibibigay ng pamahalaang lungsod.
“Sa lahat po ng mga Batang Kankaloo, maraming-maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala kaya naman po sa mga hindi man pinalad na mapili ngayon, mabibigyan po kayo ng oportunidad na makinabang sa mga sigurado mula sa iba nating mga proyekto at programa ,” pahayag ni Mayor Along.(BR)