Advertisers
INARESTO na ng National Bureau of Investigation ( NBI) ang mga opisyal ng kultong ‘Socorro Bayanihan Services Incorporated’ (SBSI) matapos ang isanagawang pagdinig ng senado nitong Martes.
Inaresto ang 13 opisyal at miyembro ng SBSI ng NBI sa bisa ng warrant of arrest sa kasong ‘Qualified Trafficking in Person’ matapos ang coordination sa Office of the Senate Sargeant at Arms at sa komite nila Senador Ronald Bato Dela Rosa at Risa Hontiveros na siyang nagsagawa ng imbestigasyon sa mga pang-aabuso ng SBSI sa kanilang mga miyembro.
Nabatid na nagsagawa nitong Martes ng ikalawang pagdinig ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Dela Rosa at Senate Committee on Women’s Children and Family Relations ni Hontiveros ukol sa pang-aabuso sa mga miyembro ng mga opisyal ng SBSI partikular na ang sapilitan na pagpapakasal sa mga menor de edad at sapilitang pakikipagtalik.
Ang warrant of arrest ay inilabas ni Judge Ambrosio Narada Moleta ng RTC Branch 31 ng Dapa Surigao Del Norte laban kina Jay Rence Quilario alyas “Senior Agila”, Mamerto Galanida, Karren Sanico, Janeth Tamayo Ajoc, Wenefrefo Buntad,Geovanni Leogin Lazala, Ibrahim Adlao, Jovelito Achecoso, Sergio Cubillan, Daryl Buntad, Jonry Ilandag, Yure Gary Portilio, at Florencio Quiban.
Dinala ang grupo sa Bureau of Correction sa NBI Facilities sa Building 14 sa Muntinlupa City. (CESAR MORALES)