Advertisers
NAMATAY na ang elepanteng si Vishwa Ma’ali o mas kilala bilang “Mali” sa Manila Zoo nitong Martes, Nobyembre 28.
Pumanaw si Mali, nasa 49 anyos ang edad, 3:45 ng hapon ng Martes.
Nagsagawa ng necropsy upang malaman ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Mali.
Ibinahagi ni Dr. Heinrich Patrick Peña-Domingo, chief veterinarian ng Manila Zoo, na base sa isinagawa nilang necropsy, posibleng namatay si Mali dahil sa congestive heart failure.
Ayon kay Domingo, nang isagawa nila ang necropsy, unang bumungad sa kanila ang matigas na pancreas ni Mali, at tila mayroon itong cancer dahil narin daw sa katandaan.
Nakita rin nilang “slightly inflamed” ang kidneys ni Mali at nababalot ito ng mga taba.
Mayroon din daw makapal na taba ang aorta ng elepante.
“Maaari po ‘yun ang cause ng pagkamatay niya, ‘yung congestive heart failure, wherein nahihirapan na po ‘yung puso niyang i-pump ‘yung enough blood sa katawan dahil sa dami po ng organs na affected po sa kaniya,” ani Domingo.
Sinabi ni Dr. Pena-Domingo na ang average lifespan ng isang Asian elephant tulad ni Mali ay 40-45 taon.
“Matanda na po talaga, nandoon po siya sa lifespan,” saad ni Domingo.
Isinilang si Mali sa Sri Lanka noong 1974 at dinala sa Pinnawala Elephant Orphanage nang mamatay ang kanyang ina.
Taon 1977, 3 anyos si Mali, ibinigay ito ng Sri Lankan government bilang regalo kay noo’y First Lady Imelda Marcos at dinala ang elepante sa Manila Zoo.
Mula noon, si Mali ang nagsisilbing mukha at isa sa mga dinadayo sa Manila zoo, ang pinakamatandang zoo sa Asya.