Advertisers
ARESTADO ang apat na suspek sa panloloob sa isang pawnshop kabilang ang utak na isang law graduate sa isinagawang manhunt operation nitong Martes sa Cebu city.
Kinilala ang mga nadakip na sina Jigger Geverola, sinasabing mastermind, residente ng Gutlang, Argao, Cebu; Jerum Cambarijan Davin, Dann Carlos Geverola Flores, at Jordab Ramos Baquiano.
Sa report ng Cebu City Police Office, nadakip si Jigger nitong Martes sa Argao kasama si Davin, habang nauna nang nadakip sina Flores at Baquiano.
Sinabi ng pulisya na isang Juris Doctor at law graduate sa Southwestern University si Jigger.
Lumabas din sa rekord na nakulong ng 7 taon si Jigger sa kasong murder at arson sa pagsunog sa isang Philtranco bus sa Catmon, Cebu noong December 11, 2001. Tatlong taon na nagtago si Jigger subali’t naaresto ito noong 2004.
Nitong Nobyembre 25, 2023 nilooban ang isang pawnshop at jewelry store sa Colon St., Cebu.
Sa follow-up operation ng pulisya, base sa mga kuha sa CCTV, natunton ang mga suspek pati narin ang sasakyan na kanilang ginamit.
Nakuha sa mga suspek ang sasakyan na walang rehistro at nakalagay na ‘temporary plate for registration’.
Narekober rin sa sasakyan ang isang KG9 na may mga magazine, .45 na baril, hand grenade, 1-rifle grenade, t-shirt at mga sumbrero.
Ayon kay Police Lt. Colonel Gerard Ace Pelare, spokesperson CCPO, tinanong nila kung saan dinala ng mga suspek ang mga ninakaw nilang alahas, at sinasabing mayroon sila sistema na sinusunod kung saan dinadala ng kanilang courier.