Advertisers
NAKALIGTAS sa tangkang panggagahasa ang isang miyembro ng Sangunian Kabataan Council mula sa kamay ng out-going SK Chairman ng San Juan City, Metro Manila, umaga ng Huwebes, sa Club Balai Isabel, Barangay Banga Talisay, Batangas.
Kinilala ang biktima na si Hilary Joyce Santos, habang ang suspek ay kinilala sa alyas “Jhover”, kapwa residente ng San Juan City.
Base sa ipinadalang report ni Batangas Police Provincial Director, Colonel Samson B. Belmonte; kay Calabarzon Regional Director, Brigadier General Paul Kenneth T. Lucas, nasa huling araw na ng kanilang mandatory training and seminar ang biktima at ang suspek nang magtungo sa kuwarto ng kanyang kaibigan si Hilary Joyce para magtanong sa susi ng kanyang sasakyan nang sundan ito ni Jhover at ikinandado ang pinto ng kuwarto saka puwersahang niyapos at pinaghahalikan sa leeg at sinubokan pa umanong tanggalin ang suot na bra ng dalaga.
Nagawa lamang makatakas ang nagpumiglas na biktima at agad nakahingi ng saklolo sa kanyang mga kaibigan na siyang tumawag sa mga pulis ng Talisay Municipal Police Station at dinakip ang SK Chairman na nakakulong ngayon sa Talisay Police, at sasampahan ng kasong Acts of Lasciviousness. (KOI LAURA)