Advertisers
Arestado ang apat pang salarin na kasama sa gumulpi at pumatay sa 30-anyos na negosyanteng lalaki sa Barangay Sangitan West, Steven Jay Doble noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang mga naaresto na sina Dencel Sta. Maria, 19, binata ng Barangay Aduas; Ryan de Jesus, 24, may-asawa; Aries Soriano, 18, binata at Ryan Sison, 28, may-asawa, pawang mga residente ng Barangay Bitas, dito.
Naaresto ang mga salarin ng Investigation Tracker Team at ng Patrulya ng Bayan members ng Cabanatuan City Police nang inguso ng kanilang katropa na si Jhon Michael Magbanwa, 24, binata, matadero ng Purok Yakal 1, Barangay Bitas, na naunang naaresto ng awtoridad ilang sandali nang mapatay ang biktimang si Erwin Punzalan, 30, binata ng Brgy. Villa Ofelia, rito.
Hindi umano simpleng kaso lang na napagtripan ang biktima ng mga salarin kundi isa itong kaso ng murder dahil pinagplanuhan ang nangyaring pagpatay.
Sa report, ang salarin na si Magbanwa at ang biktimang si Punzalan, kapwa inmates sa Cabanatuan City Jail noong 2018 at doon pa lang may alitan na ang dalawa at laging nagpapatutsadahan.
Nang makalaya si Punzalan, itinayo niya ang negosyong One-Stop Vape Shop kung saan natunton siya ni Magbanwa at di-umano nagbanta sa biktima na babalikan ito hanggang sa nangyari ang kanilang muling pagkikita noong Huwebes ng gabi.
May kasamang siyam na kasabwat si Magbanwa kung saan pinigilan sa magkabilang balikat ang biktima saka pinaggugulpi.
Hindi nagtagal, kinuha pa ni Magbanwa ang dalang tubong bakal na ipinalo nito sa ulo ng biktima na naging sanhi ng kamatayan nito.
Nakatakdang isailalim sa inquest procedure ang limang salarin sa tanggapan ng City Prosecutors Office sa Cabanatuan City. (PFT team)