Advertisers

Advertisers

3 MILF sugatan sa bakbakan ng 2 kumander

0 12

Advertisers

SUGATAN ang tatlong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa palitan ng putok sa pagitan ng dalawang magkalabang paksyon ng Moro Huwebes ng gabi, Nobyembre 26, sa Sitio Pokling, Barangay Sambulawan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Dahil sa sagupaan, daan-daang residente ang nagtakbuhan upang iligtas ang kanilang buhay at lumikas sa kanilang mga tahanan.
Magkahiwalay na kinumpirma ng mga lokal na opi-syal at matataas na opisyal ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) nitong Biyernes na sangkot sa bakbakan ang mga grupo nina Commander Gringo at Commander Barang, na matagal nang magkatunggali.
Iniuugnay si Gringo sa mga opisyal ng isa sa 37 barangays sa kalapit na Cotabato City, ang kabisera ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Tatlong miyembro ng itinuturing na 19th Brigade-Inner Guard Base Command ng MILF na sina Pahamudin Mundas, Salman Mundas at Saipurin Usman ang tinamaan ng bala habang kabilang sa grupong ipinadala upang tulungan ang mga lokal na opisyal na awatin at patahimikin sina Gringo at Barang.
Kapwa armado ng mga assault rifle at grenade launcher ang dalawang grupo na nag-aaway dahil sa magkakaibang interes sa politika at agawan sa kontrol ng mga teritoryo sa Sultan Kudarat, isa sa 12 ba-yan ng Maguindanao del Norte, gayundin sa mga komunidad ng Moro sa Cotabato City na malapit sa pampang ng Rio Grande de Mindanao.
Ayon sa mga lokal na opisyal at Moro datu sa Sultan Kudarat, tinangka ng mga opisyal ng barangay na ayusin ang alitan sa pagitan ng mga tagasuporta ng dalawang magkaribal na grupo.
Gayunman, nauwi ito sa palitan ng putok nang walang sinuman sa mga panig ang pumayag na sumunod sa tradisyunal na pamamaraan ng pag-aayos ng sigalot na ipinapatupad upang tuldukan ang kanilang hindi pagka-kaunawaan.
Sa kasalukuyan, nananatili ang mga lumikas na residente sa mga silid-aralan ng Kirkir Elementary School sa ibang bahagi ng Barangay Sambu-lawan.