Advertisers
Naaktuhan ang magkalaguyong pulis na magkasama sa loob ng isang hotel ng mismong mister ng babae sa Centro 8, Tuguegarao City, Cagayan.
Itinago sa pangalang Nene, 25-anyos, nakatalaga sa 205th Mobile Company, Regional Mobile Force Battalion 2; at ang kalaguyo nito itinago rin sa pangalang Cris, 32-anyos, nakadestino naman sa San Agustin Police Station na kapwa residente ng bayan ng Echague, Isabela.
Una rito, nakita ng complainant ang asawa ng babaeng pulis na sumakay ang kanyang misis sa isang kulay maroon na Toyota Vios na minamaneho ni Cris dahilan upang sundan ang naturang sasakyan.
Pumasok umano ang naturang kotse sa isang hotel partikular sa bahagi ng Taft Street ng Brgy. Centro sa nasabing lungsod kaya agad namang humingi ng tulong ang mister kay Police Chief Master Sergeant Romel Ramos upang alamin kung anong kuwarto nag-check in ang magkalaguyo.
Dito na nagsagawa ng operasyon ang pulisya kung saan tinungo ang hotel kasama ang Kapitan ng nasabing Barangay.
Sa tulong naman ng staff ng nasabing hotel, sinabi na nakita nito na nakahiga na ang dalawang magkalaguyo at nakahubad na ang babae.
Dito na pinasok ng mga otoridad ang kuwarto at naaktuhan ang walang saplot na babae at tuluyang dinakip ang dalawang magkalaguyo.
Agad na dinala sa himpilan ng Tuguegarao City Police Station ang dalawang nahuli na kinasuhan ng Adultery.(Rey Velasco)