Advertisers

Advertisers

May kasamang 200,000 job opportunities… BIYAHE NI PBBM NAGBUNGA NG P294-B ACTUAL INVESTMENTS

0 9

Advertisers

IPINAGMALAKI ng Malacañang na ang mga pagbisita sa ibang bansa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong taon ay nagresulta sa $5.28 bilyon, o P294 bilyon, halaga ng aktuwal na mga investment.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), iniulat ni DTI-Board of Investments Undersecretary Ceferino Rodolfo na ang mga foreign trips ni PBBM ay nagdulot ng P227.72 bilyon na pondo para sa walong proyekto; P44.02 bilyon para sa labing-isang proyekto; at P22.17 bilyon para sa siyam na proyekto hanggang nitong Disyembre 21.

Sinabi ni Rodolfo na ang mga pangakong pamumuhunan na ibinigay kay Pangulong Marcos sa kanyang mga opisyal na pagbisita sa ibang bansa na naging aktuwal na proyekto ay nakarehistro na sa mga investment promotion agency tulad ng BOI at ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA).



Matatandaang sinabi ng Pangulo na ang 2023 ay isang taon ng ‘istruktural na pagbabago’ na mahalaga para sa pag-angat ng bansa mula sa lahat ng mga hamong pang-ekonomiya na iniwan ng pandemya habang nangako rin ito ng patuloy na modernisasyon ng pamahalaan sa 2024.

Samantala, hindi lamang bilyon-bilyong pisong mga pangakong pamumuhunan ang naiuwi ni Pangulong Marcos sa Pilipinas mula sa kanyang mga biyahe sa ibayong dagat kundi pati na rin ang higit sa 200,000 job opportunities para sa mga Pilipino.



Sa kanilang ulat ukol sa mga investment leads, ibinida ng DTI na ang mga pagbisita ng Pangulo noong nakaraang taon sa labas ng bansa ay nagresulta sa 7,100 trabaho mula sa Indonesia noong Setyembre 4-6; hindi kukulangin sa 14,932 mula sa Singapore noong Setyembre 6-7; at 98,000 mula sa New York noong Setyembre 18-24.

Dagdag pa, dala rin ni PBBM ang 5,500 trabaho mula sa kanyang pagbisita sa Thailand noong Nobyembre 16-19; hindi kukulangin sa 6,480 mula sa kanyang pagbisita sa Belgium noong Disyembre 11-14; at 730 mula sa Netherlands noong Disyembre 15-17 (isang misyon ng kagawaran).



Para sa 2023, binanggit ng DTI na ang pagbisita ni Pangulong Marcos sa China noong Enero 3-5 ay nagresulta sa 32,722 na trabaho; 24,000 job opportunities mula sa kanyang pagbisita sa Japan noong Pebrero 8-12; 6,386 mula sa kanyang pagbisita sa Washington, DC noong Abril 30 hanggang Mayo 4; at 8,365 mula sa Malaysia noong Hulyo 25-27.

Ang pagbisita ng Pangulo sa Singapore noong Setyembre 14-17 ay nagdulot din ng 450 na oportunidad sa trabaho; 2,550 na trabaho mula sa kanyang pagbisita sa US noong Nobyembre 14-17; at 15,750 na oportunidad sa trabaho mula sa kanyang pagbisita sa Japan noong Disyembre 15-18.

Sinabi naman ni Presidential Adviser on Investment and Economic Affairs Frederick Go na ang P169 bilyon halaga ng mga pangakong pamumuhunan mula sa state visit ni Pangulong Marcos sa Japan ay naging aktuwal na at nagbibigay ng libu-libong pagkakataon sa trabaho para sa mga Pilipino. (Gilbert Perdez)