Advertisers
KAPWA nagpahayag ng katapatan ang Armed Forces of the Philippine at Philippine National Police (PNP) sa Saligang Batas at kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr bilang Commander in Chief.
Ito ay kaugnay ng mga kumakalat sa social media ng isang video na panawagan nina AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner at PNP Chief Gen. Benjamin Acorda sa pagbibitiw ng Pangulong Marcos sa puwesto sa tangkang destabilisasyon sa Pamahalaan.
Sa ipinalabas na statement, sinabi ni Brawner na mananatiling matatag at buo ang hanay ng AFP sa pagsuporta sa kasalukuyang administrasyon at Saligang Batas ng bansa na walang pasubaling pagganap ng kanilang mandato.
“With the strong leadership of our Commander-in-Chief, the AFP will move as one in defeating all threats to our peace and national security,” pahayag ni Brawner sa gitna ng mga kinakaharap na mga pagbabanta.
Tiniyak din ni Brawner na pagiging propesyunalismo sa buong hanay ng mga sundalo at pagganap sa sinumpaang pangako na maging tagapagtanggol ng soberabya at demokratikong prinsipyo.
Samantala sinabi naman ni Col. Jean Fajardo, Chief ng PNP Public Information Office na ang PNP ay mananatiling apolitical, intact, solid at professional at susunod lang sa itinatakda ng Saligang Batas at pagsunod sa mga legal na mga kautusan.
Nanawagan din si Fajardo sa mga retiradong miyembro ng PNP at PNP na huwag nang idamay ang PNP sa mga usaping pulitika.
“Nirerespeto natin ang pananaw ng ibang kababayan natin kasama diyan yung mga retiradong miyembro ng PNP at AFP kagaya ng ordinaryong mamamayan, sila ay may Karapatan magsalita at yan ay nirerespeto natin subalit ang pakusap natin huwag na sana nila idamay ang inyong pambansang pulisya,” ani Fajardo.
Isinaad ni Fajardo na nagbigay na ng utos si Chief PNP sa ACG at iba pang regional directors at field commanders na paigtingin pa ang kanilang ginagawang cyber patrolling at i-validate ang lahat ng mga videos na may kaugnayan dito.
Aniya, nagsasagawa na ng masusing cyber-patrolling ang PNP Anti Cybercrime Group upang matukoy kung sino ang source at origin ng mga nagpapakalat ng mga ganitong klaseng online posts. (Mark Obleada)