Advertisers
INIIMBESTIGAHAN na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nakuhang iligal na droga ng mga construction worker na nagkakahalaga ng P11.4 milyon ng shabu habang sinisira ang kusina ng isang lumang kusina ng dating Hariraya Restaurant sa may departure mezzanine ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, Pasay City.
Sa report ng NAIA-PDEA IADITG, habang ginigiba ng mga construction worker ang mga lumang gamit sa kitchen area ng restaurant parking, nagulat sila nang makita ang mga nakataling malaking itim na pouch na nakalublob sa dish traps na may lamang tubig sa nasabing lugar.
Mabilis na inimpormahan ng ilang construction workers ang security guard doon para ipaalam sa PNP-Aviation Security Group ang natuklasan nila mula sa ginigibang lumang kusina ng restaurant.
Ayon sa NAIA-PDEA, ang abandonadong illegal drugs ay matagal nang nakababad sa tubig at aksidenteng natuklasan ng mga trabahador habang ginigiba ang nasabing kusina.
Tatlong malalaking pakete sa isang grease trap ang nakita ng mga manggagawa. Inilabas nila ang mga ito, at nang buksan ay nakitang shabu ang laman.
Discolored na ang pakete dahil sa tagal na nasa grease trap. Sa tantiya ng PDEA, mahigit 1.5 kilo ang kabuuang bigat ng tatlong pakete.
Samantala, wala pang komento ang Manila International Airport Authority (MIAA) kung paano napunta sa airport ang droga.
Hawak na ng NAIA-PDEA IADITG ang droga habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad.