Advertisers
KAAGAD binawi ng Philippine National Police ang pahayag ni NCRPO Chief, Major General Melencio Nartatez Jr., tungkol sa pagkakawala ng ‘case folders’ ng mga pulis na nahaharap sa iba’t ibang reklamo at kaso.
Say ni PNP spokesman Colonel Jane Fajardo, sa pakikipag-ugnayan niya sa National Capital Region Police Office, hindi lang aniya nagkaroon ng proper turnover dahil sa pagpapalit at paglipat sa ibang opisina ng mga personnel na assigned sa pagtatabi ng case folders.
Sa ginawa aniyang accounting, natukoy na ang mga hinahanap na case folder, natabunan lang daw ang mga ito ng ibang dokumento kaya naantala ang implementasyon ng penalty. Hahaha…
Kung hindi isinapubliko ni Nartatez ang “missing case folders”, nahukay kaya ang naturang mga dokumento laban sa mga bugok na parak? Malamang mabaon nalang sa limot at tuloy ang pamamayagpag ng mga abusadong alagad ng batas.
Ngayong naisapubliko na yan, aba’y ipatupad na ang parusa sa naturang mga tiwaling PNP personnel. Now na, General Benjamin Acorda, Jr., Chief!
***
Sabi ni Sendora, Imee Marcos, ang super-ate ni Pangulong Bongbong, nangangamba siya na baka may mga maisingit na probisyong ‘di kaaya-aya sa madlang pipol kapag nagtagumpay ang Peole’s Initiative (PI) para maisulong ang Charter-change.
Sus! kung may magsingit man ng mga probisyong pagkakakitaan at pagpapanatili ng matagal sa puwesto ng mga politiko, walang ibang gagawa n’yan kundi kayo kayo lang din sa administrasyon. Alangan naman ibentang yan sa Makabayan bloc sa House of Representatives at kina Senador Risa Hontiveros at Koko Pimentel sa Senado na halos magpakamatay na sa pagkontra sa P.I. n’yo!
Style bulok!
***
Itinanggi ng liderato ng House of Representatives, Speaker Martin Romualdez, na may kinalaman sila sa People’s Initiative.
Ito’y matapos ihayag ni Pangulong BBM na ayaw niya ng PI at sa halip ay nag-advise itong mag-usap nalang ang Senado at House para sa economic provisions.
Sino sa tingin ninyo ang mga nasa likod ng PI na umano’y ginagastusan pa para makakolekta ng mga kailangang pirma? Alangan namang gawa ito ng Makabayan block at oppositions senators? Eh hindi naman gagalaw ang PI kung walang bendisyon ng pinaka-boss sa Kamara, right?
Niloloko tayo ni Martin!
***
Dapat imbestigahan ng Department of Social Welfare national ang kanilang field officers sa pagpapatupad ng Expanded Solo Parent Act. Dahil ang batas na ito ay hindi manlang nararamdaman ng mga single parent sa mga probinsiya lalo sa mga liblib na bayan at barangay.
Oo! Halos lahat ng mahihirap na single parent sa mga probinsiya ay ‘di nakakatanggap ng benepisyo. Tanging ID lang meron sila, pero sa benepisyo ay malaking ZERO!