Advertisers
MULA sa pagkayukayok, sa wakas ay wari’y nahimasmasan na si National Capital Region Police Chief PMGen. Jose Melencio Nartatez Jr. lalo nga’t nanawagan na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na linisin ng mga ito ang kanilang hanay upang sagipin at isalba ang PNP sa kahihiyan sanhi ng mga opisyales at miyembro na sangkot sa droga at gawaing kriminal.
Sa kanyang talumpati kamakailan ay pinuna ng Pangulo ang matagal nang nangyayaring katarantaduhan sa hanay ng Philippine National Police (PNP) na kung hindi mareremedyuhan ay magiging ugat ng demoralisasyon ng mga opisyales at rank and file kaya iniutos nito kay PNP Chief Benjamin Acorda Jr. na ipagpatuloy ang internal cleansing sa kanilang hanay.
Isinulong noon pa man ang internal cleansing drive daw ng mga naunang PNP Chief upang walisin sa hanay ng mahigit sa 228,000 opisyales at miyembro ng PNP ang tinatawag na mga bad egg o police scalawag ngunit marami pa ding nakapangunyapit sa kanilang mga pwesto.
Parang pinagtiyap naman ng pagkakataon, simula nang maupo bilang NCRPO Police Chief si PMGen. Melencio Nartatez Jr. ay hindi ito nakitaan ng determinasyon at ng paninindigan para patinuin ang kanyang mga kapulisan sa limang police district ng Metro Manila.
Puro banta at babala lamang ito ( PMGen. Nartatez Jr.), walang isa man sa kanyang mga district director at police chief ang kinasuhan dahil sa kabiguang umaksyon laban sa sangkaterbang vice operation sa kanilang hurisdiksyon.
Tila naiirita na si PBBM kaya inihayag ni PDGen. Acorda Jr. ang pagpapatuloy ng isinasagawang internal cleansing na naglalayong linisin daw ang Pambansang Kapulisan laban sa mga “misfits”.
Dalawang mataas na opisyales ni MGen. Nartatez Jr. ang nakikita na malamang na tamaan ng internal cleansing sakaling totohanin nga sa diwa at sa gawa ang naturang kampanya sa National Capital Region?
Sila ay sina Southern Police District Director PBGen. Mark D. Pespes at Northern Police District Head PBGen. Rizalino Gapaz. Sa hurisdiksyon ni PBGen. Pespes ay hindi mapabubulaanan ang isiniwalat na operasyon ng lotteng ng isang nagngangalang ONIE NINONG sa Las Pinas City at JOY sa siyudad ng Paranaque.
Talamak ang lotteng operation ni ONIE NINONG sa lahat na barangay ng Las Pinas at kahit pa nagkakaroon ng manaka-nakang police operation laban sa mga kabo at kolektor ng lotteng doon ay paulit-ulit ding bumabalik sa pangongolekta ng taya ang mga kubrador nito.
Sara-bukas ang operasyon ni ONIE NINONG: huli ngayon, ngunit ilang oras lamang ay ratsada na naman ang pakubransa nito. Ibinabandera nila ang impluwensya ng isang alyas CHARLIE na nagpapakilalang sugo ng tanggapan nina NCRPO Chief MGen. Nartatez Jr. at SPD Director PBGen. Pespes. Nagpapakilala din si CARLIE na tagapag-ayos ng takbo ng tabakuhan ng lotteng sa Las Pinas City at Paranaque City.
Si Charlie din ang taga-areglo kapag may naarestong empleyado nina ONIE NINONG at JOY at piyansador naman sa tuwing may makakasuhan tulad nang magsagawa ng tila moro-moro na anti-gambling drive ang magkasanib na tropa ng SPD at Las Pinas Police operative may ilang buwan na ang nakaraan na nagresulta sa pagkadakip sa 15 tauhan ng mga naturang vice operator.
Kaya hindi pa man halos nag-iinit ang mga puwet ng arestadong suspek sa investigation section ng Las Pinas Police at Paranaque City Police ay kasado na ang bail bond ng mga ito at hinihinala pang ibang pangalan ang ipinagagamit ng imbestigador sa mga suspek sa referral ng kasong isinumite sa prosecutor’s office.
Tila kabalintunuan ang nagaganap sa naturang mga lungsod at bigo sina Las Pinas City Police Chief Col. Jaime Santos at Paranaque cop Col. Reycon Garduque na tumalima sa direktiba nina PNP Chief Benjamin Acorda Jr. at NCRPO Chief MGen. Nartatez Jr. na “No take Policy”?
Sa halip na “magpalamig” ng operasyon sina ONIE NINONG sa Las Pinas City at Paranaque City “Lotteng Queen JOY” ay lalong naging talamak at harap-harapan ang pagpapataya ng mga kubrador ng mga ito sa halos saan mang sulok ng naturang mga siyudad.
Dedma lang ni ONIE NINONG ng Las Pinas City si Col. Santos at Lotteng Queen Joy si Paranaque City Police Chief Col. Garduque kaya balewala din ang atas ni NCRPO Chief MGen. Nartatez Jr. na walang sinumang opisyal at miyembro ng kapulisan sa ilalim ng kanyang liderato ang tatanggap ng kahit anumang pabor, suhol, lagay o weekly intelhencia sa tulad ni ONIE NINONG at JOY.
Matatandaang mula sa Region 4-A kung saan ay lalong talamak ang vice operation ay inilipat ni PNP Chief Benjamin Acorda Jr. ng tungkulin sa NCRPO ang noon ay Police Brigadier General pa lamang na si Nartatez Jr. sa hangaring madisiplina ang mga kapulisan sa Metro Manila.
Magpakitang gilas ka naman MGen Nartatez Jr., wag mong pabayaang maitsa-pwera ang iyong pangalan sa listahan ng aspiring PNP Chief dahil lamang kina ONIE NINONG, JOY at ang “sacred cow” daw na si CHARLIE? ABANGAN din ang detalye sa CAMANAVA vice operation…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144