Advertisers
HINAMON ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sina dating President Rodrigo Roa Duterte at kanyang anak na si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na patunayan ang kanilang mga alegasyon laban kay President Ferdinand Marcos Jr. Romualdez, at sinabing dapat nang tigilan ng Dutertes ang “budol-budol” stories.
“So unless you have proof na ‘yung mga alegasyon ninyo na kung bakit nananawagan dyan na sa ating mahal na Presidente Ferdinand R. Marcos na bumaba sa pwesto sana mag isip-isip muna kayo, mag-isip muna kayo at ilabas ‘yung mga pruweba. Kasi alam natin hindi totoo ang mga sinasabi ninyo,” sabi ni Romualdez.
Ito’y matapos sabihin ni Mayor Duterte sa isang okasyon sa Davao City na si Pangulong Marcos, Jr. ay dapat mag-resign. “Tamad” daw ito.
Ayon sa rules of succession, kapag bumaba si Marcos si Vice President Sara Duterte ang magiging presidente.
Sinabi naman ni ex-Pres. Duterte sa anti-cha cha rally sa Davao City, si Pres. Marcos ay nasa narco-list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). “Adik” daw ang presidente. “Mayroon tayong adik na presidente.”
Pero kaagad itinanggi ng PDEA ang sinabi ni Duterte, hindi anito kailanman napasama sa listahan ng mga iligal na droga si Pres. Marcos.
“Uulitin ko, tigilan nyo na ‘yung mga budol-budol n’yo ‘di ba. Dapat seryoso na tayo at igalang nalang natin ang ating Presidente na nagtatrabaho ng maigi. Masipag sya at talagang tinatrabaho n’ya ‘yung magandang buhay para sa mga Pilipino,” sabi ni Romualdez.
Nanawagan si Romualdez sa mag-amang Duterte na igalang si Marcos na nakakuha ng sobra sobrang mandato noong 2022 elections.
“Masyadong maaga naman ninyo gustong ipabagsak ang rehimen ng President Ferdinand R. Marcos Jr., very popular and he was elected with a bigger mandate than the former president. Kaya’t igalang naman natin ‘yan. ‘Yan po ang mandato ng taumbayan ng Pilipinas,” diin ni Romualdez.
“Walang katotohanan ‘yan. Si Mr. former president sabi niya nasa drug list, na-check natin na never na never na si President Ferdinand R. Marcos ay nailagay sa drug list. Kaya hindi ko alam kung nag iisto-istorya ka na naman. Tigilian mo na ‘yung budol-budol galing sa Davao,” birada ni Romualdez sa mga Duterte.