Advertisers
LUMAGDA ang Pilipinas at Vietnam ng mga kasunduang may kinalaman sa kalakalan ng bigas, incident prevention and management sa pinag-aagawang teritoryo, pagsasaka, at kultural na kooperasyon.
Ang kasunduan ay naisara bilang bahagi ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Vietnam.
Kabilang sa mga pinirmahan ang Memorandum of Understanding (MOU) sa Rice Trade Cooperation, MOU sa Cooperation in Agriculture and Related Fields, MOU sa pagitan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Vietnam Coast Guard (VCG) sa Maritime Cooperation, at Cultural Cooperation Program sa pagitan ng National Commission for Culture and the Arts ng Pilipinas at Ministry of Culture, Sports and Tourism ng Socialist Republic of Vietnam para sa 2024-2029.
Ang MOU sa Rice Trade Cooperation ay nagtatatag ng isang framework para sa kooperasyon sa bigas sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam upang tiyakin ang matibay na suplay ng pagkain sa gitna ng epekto ng climate change, pandemya, at iba pang pangyayari na labas sa dalawang bansa.
Sa ilalim ng MOU, sumang-ayon ang Vietnam sa isang limang-taong commitment na mag-supply, sa pamamagitan ng pribadong sektor nito, ng white rice sa pribadong sektor ng Pilipinas, na umabot sa 1.5 milyon hanggang 2 milyong metriko tonelada kada taon sa isang competitive at abot-kayang presyo.
Bukod sa kalakalan ng bigas, inaasahan din ang palitan ng impormasyon hinggil sa mga patakaran, plano, at regulasyon, at iba pang kaugnay sa kalakalan ng bigas. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)