Advertisers
INIHAYAG ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na tuluyan nang nasira ang UniTeam Alliance nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Pimentel, makikita ito sa akusasyon ni dating Pangulong Duterte, ama ni Vice President Sara, kay Marcos na may kaugnayan umano ito sa droga at nagbabalang matutulad ito sa sinapit ng ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., kung babaguhin ang 1987 Constitution.
Ani Pimentel, malaki ang advantage ni Marcos bilang Pangulo: kaalyado ng bise presidente, 22 senador na kaalyado ng administrasyon, pinsan ni Speaker of the House of Representatives at karamihan sa kongresista na tapat sa Malakanyang.
“Matagal nang walang Uniteam. Hindi naman ako member ng UniTeam. Kami nga ni Sen. Risa Hontiveros pinili namin na minority sa Senado. Ang majority sa Senado nag-identify sa administration… Nasasayangan ako kasi ‘yung na-achieve ni President Bongbong Marcos, parang regalo sa kanya ‘yun. Ano na sa kanya nang Diyos, for his administration. Nasayangan ako kasi hindi nila na-preserve. Hindi nila na-take advantage,” pahayag ng senador sa isang panayam.
“Ano nangyari? Nag-away-away na sila. Kasi kami taga check lang sa minority,” ani pa nito.
Naunang nagkabanggaan ang ilang miyembro ng Senado at Kamara sanhi ng people’s initiative na inilunsad ni Speaker Martin Romualdez, na may layunin na baguhin ang 1987 Constitution.
Sa ilalim ng panukala ng PI ni Romualdez, lulusawin nito ang kapangyarihan ng Senado na bumoto nang hiwalay sa Kamara sa anumang pagbabago sa Saligang Batas, at payagan na bumoto nang magsabay sa pamamagitan ng constituent assembly. Dehado ang Senado na may 24 miyembro kumpara sa 300 mambabatas na kasapi ng Mababang Kapulungan.
Ibinabala ng dating Pangulong Duterte na kapag natuloy ang people’s initiative, maaaring baguhin ang Saligang Batas upang manatili ang pamilya Marcos sa kapangyarihan.
Samantala, inihayag naman ni Pimentel na hindi na siya nagtataka sa akusasyon ng pagiging drug addict ni Marcos dahil nagawa na ito ng dating Pangulo noong kinukuwestiyon nito ang isang presidentiable na gumagamit ng droga kahit hindi lantarang binanggit ang pangalan ng kasalukuyang chief executive.