Advertisers
MARIING pinabulaanan ng Malacañang na may napipintong sibakan sa mga opisyal ng pamahalaan na pawang mga itinalaga noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, walang basehan ang ganitong mga pahayag o pawang espekulasyon lamang.
Sinabi ni Garafil na ang memo ay para sa lahat ng presidential appointee ng dating administrasyong Duterte at kasalukuyang pamahalaan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr..
Sa katunayan, aniya, maging siya ay kasama sa kailangan ding magsumite ng documentary requirements.
Magugunitang umugong ang mga espekulasyon sa gitna ng uma-no’y bangayan ngayon sa pulitika, partikular na ang palitan ng mabibigat na salita nina dating Pangulong Duterte at PBBM.
Noong Lunes, kumalat sa social media ang kopya ng memorandum na galing sa PMS kung saan nakapaloob dito na binibigyan ng 30 araw ang lahat ng presidential appointee na itinalaga hanggang February 1, 2023, na magsumite ng updated documentary requirements (personal data sheet at clearances) mula sa Civil Service Commission, NBI, Ombudsman at Sandiganbayan.
Una nang sinabi ni Garafil na ang memo na ito ay para sa performance review sa lahat ng presidential appointee para matiyak ang kanilang pananatili sa serbisyo. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)