Advertisers
KINUWESTYON ni Senador Panfilo Lacson ang pagiging “execution ready” ng 2027 National Budget.
Puna ni Lacson, may mga nakita siyang lump sums sa panukalang pambansang pondo sa susunod na taon partikular na sa pagpapagawa ng evacuation centers.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance, sinita niya ang P180 million na inilaan para sa pagpapagawa ng evacuation centers sa 17 rehiyon na walang specific o partikular na detalye gaya kung saang bayan at kung bakit din pare-pareho ang halaga.
Dahil dito, natanong ni Lacson si Budget Secretary Kim Robert de Leon kung papaanong nasabi na execution – ready ang panukalang 2027 national budget.
Aniya, sa pambansang budget para ngayong taon, meron ding lump sums na 100 million pesos para sa mga proyekto na ni walang detalye kaya tanong nya kung bakit ito pinayagan ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC).
Paliwanag naman ni de Leon, kailangan pa ring magsumite ng mga ahensya sa Department of Budget and Management (DBM) ng pinal na detalye bago maipatupad ang alokasyon pero iginiit ni Lacson na dapat may kumpletong impormasyon na habang binabalangkas ang budget.
Tiniyak namang tatanungin ukol dito ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang Office of Civil Defense (OCD) oras na sumalang ang mga budget ng mga ahensya sa pagdinig ng mataas na kapulungan.