Advertisers

Advertisers

HULIHIN ANG KOTONG GANG NG MGA TRUCKER!

0 14

Advertisers

NOONG Martes ay nakipagpulong si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa grupo ng Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP).

Hinarap ni Abalos ang CTAP kasama sina MMDA Chairman Romando Artes, PNP Chief Gen. Benjamin Acorda, Jr at iba pang opisyal ng pamahalaan para tugunan ang mga reklamo ng grupo.

Pangunahin sa inirereklamo ng grupo ang anila ay walang pakundangang pangongolekta ng pass-through fees ng ilang mga nagpapakilalalang mga tauhan ng ibat-ibang lungsod sa Metro Manila.



Umaangal ang mga taga CTAP sapagkat anila ay umiiral pa rin naman ang Executive Order No. 41, na inilabas ni Pangulong Bongbong Marcos noong Setyembre ng nakaraang taon.

Ang EO 41 ay alinsunod sa Section 153 ng 155 of Republic Act 7160 na kilala bilang “The Local Government Code of 1991.’’



Matatandaan na noong inilabas ni PBBM ang EO 41 ay sobrang taas ng inflation rate dahil sa mahal na presyo ng mga bilihing pagkain kaya inisip niyang tanggalin ang pass-through fees para mabawasan ang gastos ng mga biyahero at sa ganoon ay bumaba rin ang presyo ng mga produktong agricultural sa mga pamilihan.

Pero base sa reklamo ng CTAP ay lumalabas na hindi tumigil sa pangongolekta ang ilang grupo na maliwanag na pagsuway sa EO 41 ni PBBM.



Mabuti naman at kinausap ng CTAP si Abalos na nangako naman na agad aaksyunan ang reklamong ito at inatasan sina Artes at Acorda na magsagawa ng araw-araw na operasyon laban sa mga kotong gang.

Inaasahan natin na malalansag na sa madaling panahon ang kotong gang at sa ganoon ay makakahinga na rin ng maluwag ang ating mga trucker at iba pang mga delivery driver.

Maliban sa malalansag ay dapat may makulong din sa mga sindikatong ito at makilala rin ang utak sa raket na ito ng kotong gang.

Ang masakit lang nito ay baka magulat sina Abalos dahil malamang sa hindi ay mga taga-city hall din ng ibat-ibang lungsod ang nasa likod ng kotong gang na ito.

Iyon ang masakit doon! He-he!

Abangan!