Advertisers
NASAWI ang labinglimang (15) katao at 2 ang kritikal nang mahulog sa bangin ang sinasakyang truck sa Mabinay, Negros Oriental, Miyerkules ng hapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Ireneo Magos, 37 anyos; Fe Decipolo, Rolindo Decipolo Sr., 67; Jemboy Egoogan, Rolindo Decipolo Jr., 29; Marlon Solodad, 46; Tex Decipolo, 33; Rene Magos, 4; Allan Flores, 3; Allen Pocong, 44; Remond Llenes, 29; Roy Magos, 29; Leo Soreno, 43; Jacob Labrador, 28; at Almar Egoogan, 26; pawang taga-La Libertad, Negros Oriental.
Samantala, nilalapatan ng lunas sa Mabinay Community Hospital ang sugatang sina Antonio Toreno, driver ng truck; at Jovanni Flores.
Sa report, 1:45 ng hapon nang maganap ang aksidente sa Sitio Tubod, Barangay Bulwang, Mabinay, Negros Oriental.
Sakay sa isang truck ang mga biktima na minamaneho ni Toreno para mamili ng mga alagang hayop sa Bayawan City.
Habang binabagtas ng sasakyan ang pababa at pakurbadang daan sa gilid ng bundok nang nawalan ng preno ang truck, dahilan upang mawalan ng kontrol ang driver sa manibela at mahulog sa may 20 talampakan lalim ng bangin.
Nasawi noon din ang 14 biktima nang maipit ang mga ito ng truck.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa aksidente.(Mark Obleada)