Advertisers
MARIING ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Energy (DOE) ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang dahilan ng pagpalya ng ilang planta ng kuryente sa Luzon.
Ito ang naging sanhi kung kaya’t nagdeklara ng red alert status nitong Martes, Abril 16, sa Luzon grid ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Ayon sa DOE, walang nakitang problema sa transmission lines. Natapos na rin kasi ng NGCP ang malalaking proyekto nito, tulad ng Cebu-Negros-Panay 230-kilovolt Backbone Project, Mindanao-Visayas Interconnection Project, at Hermosa-San Jose Line.
Sa paliwanag naman ni DOE Assistant Secretary Mario Marasigan, biglaan ang pagpalya ng Pagbilao Units 1 at 2.
Sa ngayon, inaalam pa ang pangunahing dahilan ng pagpalya, ngunit posibleng dulot ito ng tagas sa boiler tube na itinuturing na outside management control o wala sa kontrol ng operator ng planta.
Tiniyak naman ni Marasigan na nagpapatupad sila ng regular monitoring sa sitwasyon, na halos bawat 30 minuto ay may ginagawang pagbabantay.
Hindi pa masabi ni Marasigan kung ano ang magiging sitwasyon ng grid ngayong Miyerkules, Abril 17, dahil ito ay depende sa kondisyon ng mga planta.
Ang mga pagpalya ng 19 na power generation plants ay nangyari sa magkakaibang panahon dahil sa iba’t ibang dahilan.
Kabilang sa mga dahilan ang tag-init ngayon, kung kaya’t nagbawas ng kapasidad ang ilang planta habang ang mga hydro power plants ay nakadepende sa tubig, at ang iba ay nakitaan ng iba pang problema sa planta matapos ang naunang schedule ng maintenance activities.
Matatandaang inatasan din ni Pangulong Marcos ang mga ahensya ng pamahalaan na gawin ang lahat ng paraan upang matiyak ang sapat na suplay ng kuryente sa bansa, lalo na sa panahon ng El Niño. (Gilbert Perdez)