Advertisers
Nasawi ang isang architect at dalawa ang nasugatan nang aksidenteng mabagsakan ng pader ng isang ginagawang bahay noong Biyernes sa barangay Olympia, Makati City.
Sa ulat ni Reynaldo Yulo, barangay captain ng Barangay Olympia, matinding pinsala sa katawan ang tinamo ng 44-anyos na si Architect Adrian Mercado, nang mabagsakan ng firewall na naging dahilan ng kanyang kamatayan.
Napag-alaman na ang nasawing architect ang mismong contractor ng ginagawang bahay kung saan gumuho ang pader. Dalawa pa sa workers ang nasugatan, isa rito kinilalang si Luis Porbadura.
Sa imbestigasyon, dati nang nasunog ang nasabing bahay at ngayon pinare-renovate.
Ayon naman kay Edgardo Marte Jr., team leader ng medical operations ng Barangay Olympia Fire and Rescue, agaran silang nagpatawag ng technical team galing sa city government ng Makati para mas masagip nang maayos ang isang pasyenteng naipit sa insidente.
Napag-alaman na kumpleto ang papeles ng paggiba at pagpapagawa ng bahay sa nasabing barangay.