Advertisers
Nasawi ang tatlong senior citizen nang tamaan ng malakas na boltahe ng kidlat sa magkahiwalay na bayan sa lalawigan ng Cagayan.
Kinilala ang mga nasawi na sina Dante Seguro, 77, Rey Fabia, 65; kapwa residente ng Barangay Naddungan sa Gattaran, Cagayan at Alfredo Bruno, 67, ng Barangay Namuccayan sa bayan ng Sto Niño.
Ayon sa report ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Gattaran, pauwi na sina Seguro at Fabia mula sa bundok nang masalubong nila sa daan ang malakas na ulan na may kasamang malakas na kulog at kidlat kung kaya’t napilitan silang sumilong sa isang puno ng kahoy.
Dito na biglang kumidlat at tinamaan ang kahoy kabilang ang dalawang biktima na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Isinugod naman sa pagamutan ang hindi na napangalanan na kasama ng dalawang nasawi matapos magtamo rin ng sugat sa katawan.
Samantala, patay rin si Bruno habang kinukuha ang kanyang ipinastol na alagang hayop sa isang bukirin nang masapol ng kidlat sa bahagi ng Barangay Namuccayan, Sto Niño, Cagayan.
Sinubukan pang isugod sa ospital si Bruno ng dalawang kasama sa bukid subalit idineklara na siyang dead-on-arrival.