Advertisers
NAGHAHANDA na ang Department of Justice (DOJ) ng isang legal brief kay President Ferdinand Marcos, Jr. para iprisinta sa kanya ang mga opsyon, kabilang ang posibilidad na pagsali uli sa Rome Statute, sa gitna ng ang International Criminal Court (ICC) ay maglalabas ng arrest warrant laban kay ex-President Rodrigo Duterte.
Ito ang inihayag ni Justice Assistant Secretary at spokesperson Atty. Mico Clavano sa press briefing nitong Miyerkules, kasunod ng pagbubunyag ni dating Senador Antonio Trillanes IV sa nakatakdang paglabas ng ICC warrant laban kay Duterte sa Hunyo o Hulyo.
Sinabi ni Clavano na habang ang kasalukuyang paninindigan ng administrasyon ay hindi pasasakop sa ICC jurisdiction, maari itong magbago.
“The briefer would be an objective statement or an analysis of the pros and cons of each option. Kasi aware naman tayo na ‘yung policy ngayon ng gobyerno, hindi papasukin ang ICC, ay posible naman mag-iba. So it would have to be a very objective briefer para malaman ni presidente kung paano siya gagalaw,” paliwanag ni Clavano.
Ang instructions sa Presidente ay magbibigay sa kanya ng maayos na pag-unawa sa sitwasyon kapag ang lumabas ang ICC warrants, kabilang ang legalidad, opsyon, at potensyal na mga remedyo, sabi ni Clavano.
Nang tanungin kung ano ang pinakatamang hakbang na nakalagay sa instruction, tumanggi si Clavano na magkomento, binanggit niya ang confidentiality na ang Pangulo lamang ang gagawa ng desisyon.
“That’s something that would have to be confidential for now. Dahil syempre these discussions and legal analysis are only for the eyes of the President until he chooses a direction or may decision na po siya, then it would have to be kept confidential muna,” diin ni Clavano.
Iginiit niyang ang paninindigan ng gobyerno na hindi pasasakop sa ICC jurisdiction ay nananatili, pero sinabing nakahanda sila sa anumang pagbabago.
“Wala naman po nagbago ‘no? Yun na nga lang, may awareness po tayo na pwedeng mag-iba. And we have to be prepared for all of this. Tayo ay Department of Justice and as any legal team would tell you, you really have to consider all the options. May plan A ka, may plan B, all the way to Plan Z,” sabi niya.
Itiniwalag ni Duterte ang Pilipinas sa Rome Statute, ang kasunduan na bumuo sa ICC, noong Marso 2018 nang simulan ng korte ang kanilang preliminary examination sa mga reklamong nag-aakusa sa kanya sa ‘crimes against humanity’ kaugnay ng drug war killings.
Ang withdrawal ay umepekto nang sumunod na taon.