Advertisers
MASASABI ko na isa si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa pinakamahusay at epektibong miyembro ng Gabinete ni Pangulong Bongbong Marcos.
Tahimik siyang nagtatratrabaho at maayos niyang nagagampanan ang kanyang napakaraming tungkulin bilang pinuno ng isa sa pinakaimportanteng ahensya ng pamahalaan.
Bilang kalihim ng DILG ay nasa ilalim niya ang Philippine National Police, at maging ang Bureau of Fire Protection , at Bureau of Jail Management and Penology.
Krusyal ang papel na ginagampan ng tatlong ahensyang ito upang panatiliin ang katahimikan at kaayusan sa mga pamayanan, maliban pa sa pagpapatatag ng sandigan ng hustisya sa bansa.
Maliban doon ay siya rin ang pinuno at namamahala sa lahat ng mga halal na lokal na opisyal sa buong bansa, mula sa mga gobernador hanggang sa mga kagawad ng barangay.
Siyempre ay marami rin siyang mga programang ipinatutupad para sa kapakanan ng local government units at isa sa mga ito ang KALINISAN Project (Kalinga at Inisyatiba para sa Malinis na Bayan).
Sinimulan ito noong Enero ngayong taon at sa loob ng halos apat na buwan na linggo-linggong cleanup activity ay sinabi ni Sec.Abalos na nakakolekta na sila ng aabot sa 34.4 million kilo ng basura sa buong bansa.
Ipinaliwanag ni Secretary Abalos na ang lingguhang clean-up activity ay napakahalaga upang maging maayos at malinis ang bawat komunidad sa buong bansa.
Idinagdag niya na ang KALINISAN program ay paraan din upang mapanitili ang diwa ng bayanihan o pagtutulungan sa mga mamamayan sa bawat isang komunidad.
Saludo tayo kay Sec. Abalos sapagkat pinipili niya na magtrabaho ng maayos at mahusay para sa kapakanan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng mga makabuluhang mga proyekto.
Kabilang na nga sa mga ito ang KALINISAN at ang Buhay Ingatan Droga Ayawan (BIDA) program at iba pa na ginagawa niya kahit wala sa harap ng media.
Hindi tulad ng ibang pulitiko diyan na walang ginawa kundi mag-ingay at magngangawa sa harap ng camera lalo na iyong isang senador na nag-iingay para mapansin dahil gustong maging presidente sa 2028.
Hindi alam ng senador na ito buwisit na buwisit na sa kanya ang napakaraming tao at kapwa niya mga senador, at isinusuka na siya dahil sa sobrang kadaldalan at kayabangan niya. He-he!
Basta para sa akin ang isa sa pinakamatino at mahusay na opisyal ng pamahalaan sa ngayon ay si Sec. Abalos, kaya dapat lang suportahan ang mga programa niya gaya ng KALINISAN at ang BIDA.
Abangan!