Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
MINULTO sa tunay na buhay si Krissha Viaje!
Si Krissha mismo ang nagkuwento nito, na noong bata pa raw siya ay nakatira sila sa isang bahay sa Quezon City.
Dalawa raw ang kuwarto sa bahay nila, sa isang kuwarto ay doon siya natutulog kasama ang mommy niya at brother niya. Sa kabilang kuwarto naman ay naroroon ang sister ni Krissha at lola niya.
Isang gabi raw ay lumipat sa kuwarto nila ang sister niya at doon nakitulog.
“E ang sikip na namin, e solo yung bed niya sa kuwarto ng lola ko, tig-isa sila ng lola ko. E kami isang kama lang.
“So sabi ko ‘Sige dun na lang ako matutulog sa kuwarto mo, ako na lang sa kama mo.’
“So hindi ko alam kung anong oras na, naalimpungatan ako, nakakumot ako, nakita ko nandun siya sa paanan ko.
“Buhok niya yung nakita ko, ‘Akala ko matutulog ito sa kabila? Lumipat pa dito e masikip na nga.’
“So natulog ako ulit. Paggising ko sa umaga wala na naman siya dun. Pumunta ako sa kabilang kuwarto kasi medyo kinabahan din ako.
“Kasi sure ako e, may nakita akong ulo sa paanan ko.”
At ang shocking, noong nakausap na ni Krissha ang kapatid niya ay sinabi nitong never daw itong bumalik sa kuwarto nila ng lola niya para tabihan si Krissha!
Kaya relate si Krissha sa katatakutang serye nila ni Jerome Ponce, ang Sem Break ng Viva One.
Bukod kina Krissha (bilang si Mich) at Jerome (bilang si Arlo) ay nasa cast din ng Sem Break sina Aubrey Caraan (bilang Cora), Hyacinth Callado (bilang Jessie), Gab Lagman (bilang Pipo), Keann Johnson (bilang Timmy), at sina Dani Zee, Rose Van Ginkel at Felix Roco.
Sa direksyon ni Roni S. Benaid, ang season premiere nito sa Viva One ay nagsimula noong May 10, may fresh episode tuwing Biyernes ang Sem Break.
***
PATULOY sa pagiging phenomenal ang SB19!
Number one na sa music charts ng siyam na bansa ang bago nilang kantang Moonlight.
Kaka-launch lamang ng Moonlight nitong May 3 pero may 1.1 million views na sa Youtube ang music video ng naturang kanta ng SB19.
Ang moonlight ay collaboration song ng SB19 with Ian Asher at Terry Zhong at number one na nga, bukod siyempre sa Pilipinas, sa mga bansang Singapore, Hong Kong, Saudi Arabia, UAE, Indonesia, Cambodia, Bahrain, at Qatar nito lamang Linggo, May 5.
Nasa 10th place na rin sa iTunes sales ang Moonlight sa buong mundo noon pang May 4.
“SLMT ng sobra for swimming, A’TIN!” post ng pasasalamat ng SB19 tungkol sa bago nilang achievement na ito.
Ang music video ng Moonlight ay mismong ang SB 19 member na si Justin ang nagdirek.
Si Jay Roncesvalles naman ang namahala sa choreography ng Moonlight, na siya ring choregrapher ng GENTO ng SB19.
At sa May 18 at 19 ang concert ng SB19 sa Smart Araneta Coliseum pero ilang linggo na raw soldout ang mga tickets para sa concert nina Justin, Pablo, Ken, Josh at Stell.
***
SPEAKING of number 1, nangunguna sa streaming app na Vivamax ang Lady Guard na pinagbibidahan nina Angela Morena at Irish Tan bilang lady guards, siyempre.
Leading man naman dito sa una niyang pagbibida si Anthony Davao, na pamangkin ni Mymy Davao na naging isa sa mga close friend namin noong nasa Pilipinas pa si Mymy at aktibo pa bilang aktres.
Nasa Amerika na si Mymy at doon na based for many years now.
May basbas naman daw ni Mymy ang paghuhubad ni Anthony bilang Vivamax actor.
Fitness instructor si Anthony kaya hunk na hunk ito at nagmumura ang mga bulging muscles at kung ano pa ang puwedeng mag-bulge sa katawan niya.
Pero dahil galing sa pamilya ng mga artista, hindi lamang paghuhubad ang goal ni Anthony; nais din niyang makilala bilang mahusay na aktor.
Lahad niya, “Siyempre naka-focus din tayo ngayon sa acting skills, not only the sexy scenes and all. Gusto ko rin siyempre ma-showcase yung acting talaga kasi the sexy scene is there, you can do it, alam mo yun?
Nais din ni Anthony na maidirek siya ng Tito Ricky Davao niya balang-araw.