Advertisers
Ni OGGIE MEDINA
NABATID ko mismo kay Nunungan Mayor Marcos Mamay ng Lanao del Norte sa kanyang pagdalo sa cast party ng Philippine Stagers Foundation sa PSF Blackbox Theatre sa Sampaloc, Manila, kamakailan na malapit nang ipalabas sa mga sinehan ang istorya ng buhay niya na ginagampanan ni Jeric Raval.
Salamat kay Robert Manuguid Silverio, isang mahusay na manunulat, at magkatabi kami sa upuan ni Mayor Mamay sa PSF Blackbox Theatre. Una kaming nagkita nang personal ni Mayor Mamay noong Disyembre 28, 2023 sa Philippines Distinct Men and Women of Excellence Awards, at talaga namang napakabait niya sa akin.
Alam kong napakaabalang-abala niya pero pinaunlakan niya ang imbitasyon ni Atty. Vince M. Tanada na dumalo sa selebrasyon at pagbibigay ng Teddy Bear Awards sa mga Philstagers nang gabing iyon. (Mula Mayo 19-23 si Mamay ay nasa Indonesia para dumalo sa isang pagpupulong at para maging isang guest speaker doon.)
Nalaman ko rin na may nagbigay motibasyon sa kanya na isapelikula ang buhay niya at may nakalinya na palang mga pelikulang kanyang gagawin, kasama na rito ang gagawing pelikula ni direk Vince M. Tanada.
Sa kasalukuyan, si Mayor Mamay ang national vice president ng League of Municipalities of the Philippines at national adviser ng Actors Guild of the Philippines.
Si Mamay ay nag-aral sa Mindanao State University, Philippine Military Academy at Unibersidad ng Pilipinas.
Bukod kay Raval bilang Marcos Mamay, kasama rin sa MAMAY the Movie sina Ara Mina, Victor Neri, Polo Ravales, Julio Diaz, Shiela Lintan Delgado, Jethro Ramirez, Teejay Marquez, Ron Angeles, Dennis Coronel Macalintal, Alvin Fortuna, EJ Malik, Dan Kemuel, Erok Mabano, John Arcenas, Tonz Llander Are, Devon Seron, Toni Co, Sabrina M., Maricaren Pallasigue, Via Veloso, Katrina Paula, Ali Forbes, MJ Oblea, Princess Reyes, Marionney Mutia, at Baby F. Go. Ito’y sa direksyon ni Neal Buboy Tan sa ilalim ng Mamay Production.
***
BAGONG pelikulang aabangan ay ang HIMALA THE MUSICAL, sa script at direksiyon ni Atty. Vince M. Tanada.
Pinarinig sa amin ang kantang “Himala ng Pag-Ibig,” mula sa composition at arrangement ni award-winning musical director Pipo Cifra (produkto ng UST) sa koloborasyon o pakikipagtulungan ni award-winning actor-writer-director Atty. Vince M. Tanada.
Noong gabing iyon ang “Himala ng Pag-ibig” ay inawit nina PSF artist Yvonne Ensomo (bilang Elsa) at FAMAS award-winning best supporting actor Johnrey Rivas (bilang Orly).
Sino ang gaganap na Elsa na ginampanan ni National Artist Nora Aunor noon? Maaring magpa-audition ang PSF Films. Bagay kay actor-singer Piolo Pascual na gumanap bilang Orly sa Himala the Musical.
Kaabang-abang ang tambalang Cifra-Tanada masterpiece na ito sa totoo lang.
Isa pang aabangan ay ang misteryosong pelikula mula sa PSF Films na HIWAGA.
Marami pang aabangan ang mga manonood.
***
SI Piolo Pascual ang isa sa naging modelo ng pinsan ko, si sculptor Ramon G. Orlina, sa kanyang ginawang sculpture para sa University of Santo Tomas noon. Si Orlina ay nagtapos sa UST.
Si Piolo ay nag-aral din sa UST.