Advertisers

Advertisers

BOOKIES, SAKLA OPERATION SA TANAUAN CITY AT LIPA CITY, PASOK SINA MAYOR AT HEPE?

0 1,592

Advertisers

HINDI pa man humuhupa ang kontrobersiya hinggil sa protektadong buriki, colorum van, illegal terminal at vices operation “sa tungki ng ilong” ng kapulisan sa CALABARZON, ay sandamakmak ang natanggap ng SIKRETA na mga mensahe mula sa mga netizen na nagtatanong kung totoong may basbas kina Tanauan City Mayor Sonny Collantes, Police Chief Lt Col. Apolinar Lunar Jr., Lipa City Mayor Eric Africa at Police Chief LtCol. Rix Villareal, ang talamak na operasyon ng Small Town Lottery (STL) bookies at sakla den sa naturang mga siyudad?

Ang lalawigan ng Batangas ay pumapangalawa sa limang probinsya na sakop ng CALABARZON na may pinaka palasak na operasyon ng STL bookies – pangalawa ito sa lalawigan ni Laguna Governor Ramil Hernandez.

Sa naunsyaming pagdinig ng Congressional Committee on Public Order and Safety na pinamunuan ni Laguna Representative Dan Fernandez kamakailan ay nakumpirmang sa loob lamang noong January 24, 2024 hanggang buwan ng March ng naturan ding taon ay may 5,717 na ang mga naaresto na sangkot sa pagpapasugal ng illegal bookies sa CALABARZON.



May kabuuang 2,211 ang bilang ng naaresto sa Laguna samantalang may 2,014 ang nasakote sa Batangas. Paliwanag ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director MGen. Romeo Caramat Jr., isa sa resource person sa pagdinig sa panukalang House Resolution No. 1549, “hindi lamang iilan ang mga lokal na opisyales na may kinalaman sa operasyon ng ilegal na sugal.

“Pitpitin man ang bayag ko, walang maglalakas-loob na PD, RD at police chief na magpa- jueteng kung hindi ito alam ng mga lokal na opisyales, kaya dapat holistic approach, involved ang lahat pati ang prosecution, upang ganap na masawata ang operasyon ng bawal na sugal”, ang pahayag ng batikang investigation chief ng bansa na si Caramat.



Ang naturang House Resolution na dininig ni Committee Vice Chairman Romeo Acop ay naglalayong magsiyasat at umugit ng batas upang mawakasan na ang patuloy na paglaganap ng illegal gambling lalo na ang STL bookies operation sa CALABARZON.

Ang katotohanang isiniwalat ni MGen. Caramat Jr. ay naging mitsa ng galit sa kanya ng mga STL bookies operator na marami ay mga drug pusher lalo na sa mga siyudad ng Tanauan at Lipa sa Batangas. Ang mga ito ay palihim na kumilos upang mapatalsik sa kanyang pwesto ang butihing heneral.



Kabilang sa gumamit ng kanilang impluwensya upang mapalitan sa pwesto si MGen. Caramat Jr. ay ang grupo ng Tanauan City based STL operator na pinamumunuan ng police tong kolektor (kapustahan) at drug dealer na si alyas Ocampo. Kagrupo nito sina alyas Gerry ng Brgy. Balele; Dimapilis ng Brgy. Altura; Cristy ng Brgy. Suplang; Lilian at Rodel ng Brgy. Sambat; Mabel at Llanto ng Brgy. Tinurik; alyas Kon Burgos ng Brgy. Boot; alyas Ablao at Melchor ng Brgy. Darasa; alyas Gerry T. ng Brgy. Trapiche; Dexter, Lito, Berania at iba pa.

Ipinagbabanduhan ng grupo ni Ocampo na pasok sa kanila sina Tanauan City Mayor Sonny Collantes pati na ang opisina ni Tanauan City Police Chief LtCol. Apolinario Lunar Jr. Si Ocampo din ang financier ng sangkaterbang saklaan sa siyudad, pinakamalakas ang operasyon nito ay sa mga barangay ng Bagbag, Cale, Ulango, Altura, Pantay na Matanda at Bata at maging sa Poblacion at iba pang matataong lugar sa lungsod. Operator din si Ocmapo ng bookies sa 13 barangay ng bayan ng Balete kung saan pati ang mga government official na sina alyas Deo at Jeff ay parehong katiwala nito.

Talamak din ang operasyon ng STL bookies at shabuhan ng “Big 4” ng Lipa City na pinamumunuan nina alyas Ana Tomboy, alyas Gary ng Brgy. Sampaguita,, alyas Kap Ronald ng Brgy. Sabang, alyas Kap Randy ng Brgy. Sulok, Icaro G. at Macoy ng Poblacion. Nakiisa din ang mga ito na maipasibak si MGen. Caramat Jr.

Wala namang aksyon laban sa mga naturang gambling/drug operator ang protegee ni Executive Secretary Lucas Bersamin na si Lipa City Police Chief Lt Col. Rix Villareal.

Isang police na si alyas Calingasan ang nagpapatakbo din ng STL bookies sa mga Sitio Cuatro Cantos, mga barangay ng San Benito, Sto Niño, San Celestino at San Isidro, bukod pa sa umaakto itong sugo at engkargado nina Mayor Africa at Lt Col. Villarreal sa mga saklaan ni alyas Ornok. Bukod sa puesto pijo na saklaan, may pasakla pa si Ornok sa mga burol ng patay saan mang sulok ng 72 barangay ng siyudad ng Lipa.

Hindi tayo nag-aakusa na protektor at may kinalaman sina Mayor Collantes, LtCol. Lunar Jr., Mayor Africa, LtCol. Villarreal lalot higit si Batangas Provincial Director Samson Belmonte sa mga nagaganap na kailegalan sa kanilang hurisdiksyon. PD, mayor at hepe kilos!!! May karugtong…

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144