Advertisers

Advertisers

‘Di natin isusuko ang WPS: PBBM

0 21

Advertisers

HINDI lang lantarang agresyon tulad ng water canon, pagharang sa ating mga sasakyang dagat–barko ng Philippine Coast Cuard (PCG), patrol boats ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at pangisdang bangka ng mga Pilipino ang ginagawa ng China.

Nagkakalat na rin ito ng pekeng impormasyon, mga gawa-gawa kunong “new model” o secret agreement ng PH at China tungkol sa supply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal — nasa loob ng ating teritoryo.

Tama si Department of Nationsl Defense (DND) Secretary Gilberto ‘Gibo’ C. Teodoro Jr, nagkakalat ng maling impormasyon ang China, at walang kinalaman ang DND sa kuno ay “bagong modelo” ng China na inokeyan ng mlitary officials natin.



Peke ito, sabi ni Sec. Gibo at ito ay isang “devious machination” ng Chinese Embassy sa Manila, at hindi totoo na siya, at ang iba pang matataas na opisyal ng militar ay nagkaroon ng anomang pag-uusap o kasunduan tungkol sa BRP Siera Madre,

Lalong hindi nangyari ang sinasabing communication ng DND at ng Chinese Embassy sa Maynila, ito ay nang magkaroon ng courtesy call si Chinese Ambassador Huang Xilian noong Hulyo ng nakaraang taon.



Imahinasyon o panlilinlang ang sinasabing “gentleman’s agreement” o “bagong modelo” na ikinakalat sa isang video ng Chinese Embassy; ito ay malaking kalokohan, at dapat nang itigil ito ng China para palabasing ang Pilipinas ang lumalabag sa maginoong kasunduan — na hindi kailanman nangyari.

Talagang itong China, grabe na sa pagkakalat ng kasinungalingan upang mapaniwala ang mundo, lalo na ang mga kababayan natin na ang Pilipinas pa ang hindi marunong gumalang sa kasunduan na hindi naman nangyari, at hindi mangyayari kahit kailan,



Papayag ba ang militar natin, lalo sa panahon ni Sec. Teodoro na basta isuko na lang ang ating teritoryo at soberenya sa kung paano natin gagawin ang pagpapatrolya at pagtatanggol sa ating teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Peke ang impormasyon na ikinakalat ng Chinese Embassy, at ito, sa paniniwala ni Sec. Gibo ay may layuning guluhin, lituhin at hatiin ang isip ng ating mamamayan tungkol sa ginagawa ng China na pagsakop sa ating teritoryo sa WPS.

Tama si Sec. Teodoro, kumbaga, iskwater ang China sa pagtigil sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ), at ang panggigipit na ito sa ating teritoryo ay dapat na ikalat, ipabatid sa buong mundo upang malaman kung gaano katindi na ang agresibong pagkilos ng China.
***
May nagkomento sa atin na dapat na ring gamitan ng water canons ang barko ng China na humaharang sa ating patrolya sa ating teritoryo sa dagat ng Pilipinas.

Sa huling insidente ng pagbomba ng tubig sa mga barko ng PCG malapit sa Scarborough Shoal, wala ngang nasaktang crew pero nasira ang ating mga barko, pati ang kapatrolyang fisheries vessel na nagpatrolya sa Scarborough Shoal.

Apat na Chinese coast guard ships, kasama ang anim pang Chinse militia ship ang nagbomba ng tubig na sumalakay sa PCG ship na BRP Bagacay at ang kilos na ito ay iresposable, at malinaw na agresyon at pagbalewala sa ating karapatan sa ating sariling Exclusive Economic Zone (EEZ).

Kahit ganito pa ang aksyon ng China, ang ating pagsaludo sa tapang ng ating PCG, mangingisdang Pinoy, ang ating BFAR personnel upang ipakita ang paninindigan sa ating teritoryo, at bullshit ang sinsabi ng Chinese coast guard na ano raw — putragis, “necessary measure” daw ang ginagawa nila.

Panahon na yata na gamitan na rin natin ng “necessary measure” ang agresyon ng China — kumbaga, kanyong tubig ang iganti natin sa kanila nang makita nila, handa tayo, hindi natin ibibigay, kahit ang sandangkal na ating teritoryo sa WPS,

Kaugnay nito, tama po ang paninindigan ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na hindi tayo dapat na magpasindak sa pambubulabog at pandadarag ng China.

Wala tayong hangad na magkagulo o humantong sa giyera ang tensiyon sa agawan sa teritoryo ng WPS: kapayapaan ang nais ng Pilipinas, sabi ni PBBM, pero kung gigipitin at patuloy na sisindakin at gagawa ng agresibong aksiyon ang China, ano pa nga ba ang dapat na mabuting aksiyon?

Kung sukol na, aping-api na, marapat ngang humingi na tayo ng tulong — maaaring suportang militar — sa ating kaalyadong bansa, kaya tama po ang palagiang konsultasyon ni PBBM sa mga partner at kakampi natin sa international community.

Kita talaga ang agresyon ng China sa ating bansa na minamaliit nito, kaya tama na tanggapin natin ang mga alok na tulong at proteksiyon ng US, Japan, Australia, Canada, at iba pang kaibigang bansa upang protektahan at tiyakin ang soberenya, sovereign rights, at jurisdiction ng Pilipinas sa WPS.

Sa pamamagitan ng ganitong kasunduan at pagtutulungan, mapananatili ang kapayapaan at katatagan sa Indo-Pacific region at pagpapakita ito na hindi tayo magpapatinag sa patuloy na tensiyon at agresyon ng China.

Suportahan natin si PBBM, si Sec. Gibo at ang ating militar at pulisya sa paninindigang hindi tayo dapat maging takot o magpatalo sa mga pag-atake ng China.

Sa halip, magkaisa tayo na manatiling matatag at manindigan para sa ating soberenya at karapatan, at ‘yang kuno ay “secret” agreement na pinasok ng dating administrasyon sa China, balewala na ito at dapat na itakwil.
***
Opo, “Atin ang WPS” at hindi ito isang islogan lamang.

Para sa akin, isa itong mapanindigang pahayag ng pagtutol at pagmamahal sa ating bansa at ang ating paggiit na atin nga ang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS) na malinaw na sinusuportahan ng desisyon ng 2016 Arbitral Tribunal Award noong Hulyo 14, 2016.

Sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague ay pinagtibay ang ating karapatan sa WPS na sinasabi, tayo lamang, ang Pilipinas lamang ay may likas na angking karapatan at soberenya sa WPS at ang mga isla at karagatan dito ay atin, pagkat nasasakop ng ating exclusive economic zone (EEZ).

Ang pagsasabi na “Atin ang WPS” ay patotoo sa panawagang “Never Give Up” at wag tayong pumayag na paapi sa China.

Isa itong mapagmahal na mensahe ng ating pagmamahal sa ating bansa at kalayaan, at ang ating kahandaang harapin ang lahat ng pagsubok upang mapanatili ang kapayapaan at gayundin ang kahandaang ipagtanggol ang ating bayang Pilipinas.

Atin nga ang WPS, at isigaw natin lagi: Wag isusuko ang ating soberenya at isigaw, “Never give up!”

Wag tayong magpatakot sa banta ng China; dapat ay manatili tayong matatag, at manindigan.

Atin ang WPS at hindi ito dapat isuko sa ‘Iswater” na China sa ating karagatan!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reakyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisma@yahoo.com.