Advertisers
Kulong at sinibak sa puwesto ang walong intelligence personnel ng Lucena City police sa ginawang iligal na pagpasok, pagtutok ng baril at pangha-harass sa isang residente ng Purok Masagana, Barangay Ransohan, Lucena City noong Biyernes ng madaling araw.
Nagsampa ng kaso ng paglabag sa domicile, grave threats, at unjust vexation ang 52-anyos na babeng residente ng Purok Masagana, Barangay Ransohan, Lucena City laban sa walong police intelligence operatives na sina PCapt Aaron Agbaya Herrera, PSMS Richie Ledesma Yuayan, PSSg Henry Mascariña Mago, PCpl Rainier Reyes Zaballa, PCpl Allan Daluz Abdon, PCpl Wilson Peñaverde Bantilan, PCpl Rene John Martinez Bartolata, at PSSg Junar Cabuyao Cabalsa.
Sa reklamo nina Renelyn Rianzales, 52, at Armando Paderon, ni-raid ng grupo ng mga pulis ang kanilang mga bahay nang walang kaukulang search warrants, 3:15 ng madaling araw noong Biyernes, nang puwersahang wasakin ang kanilang pinto at pasukin ng tatlo sa mga nasabing pulis ang kanilang bahay habang naiwan sa labas ang lima.
Tinutukan din umano sila ng baril at pinagbantaan ang kanilang buhay saka isinagawa habang kinukulimbat ang kanilang mga kagamitan at nagpakilalang mga pulis at hinahanap ang kanyang live-in partner na noong araw na iyon nasa trabahao sa Laguna.
Matapos sabihing wala ang kanyang-live in partner, noon pa lang umalis ang mga pulis.
Agad na nagtungo sa himpilan ng Lucena police ang biktima at nagsampa ng reklamo.
Sa report, nagsagawa ang mga inarestong pulis ng anti-drug operation noong Biyernes sa bahay ng biktima kung saan target umano ang mister nito.
Subali’t ayon sa ginang, posibleng may kinalaman ang pangyayari sa kanyang pagtestigo sa congressional hearing noong nakaraang Linggo na isinagawa ng House Committee on Public Safety and Order na pinamumunuan ni Rep. Dan Fernandez, batay sa resolusyong isinampa ni Quezon 2nd District Rep. David Suarez tungkol sa mga hindi naii-report sa pulisya na karahasan ng mga armadong lalaki na hinihinalang mga tauhan din ng PNP noong nakaraang barangay at SK elections .
Kasalukuyang nakakulong ang walong inarestong police intelligence personnel sa temporary lock-up jail ng Lucena PNP habang inihahanda ang mga kaso laban sa kanila.
Samantala sinibak din sa puwesto ni Quezon Provincial Director PCOL Ledon Monte, si Lucena police chief PLTCOL Reynaldo Reyes dahil umano sa Command Responsibility.
At pinalitan sa puwesto ni Lt. Col. William Angway Jr., concurrent Deputy Provincial Director for Administration, bilang OIC-Lucena City police chief.