Advertisers
NAKALIGTAS sa pananambang ang isang barangay chairman na target sa ambush, habang sugatan ang apat na kasama nito at isa pa nang pagbabarlin habang sakay ng van sa Barangay Bagua 3, Cotabato City, Biyernes ng gabi.
Sa pahayag nitong Sabado ni Colonel Querubin Manalang, hepe ng Cotabato City Police, magkakasama sa isang Toyota Grandia van sina Edris Ayunan Pasawiran, chairman ng Brgy. Kalangan 2 ng nasabing lungsod; at Michael Avila, Akmad Guimba, Amal Masulot at Tanto Palulod, nang tambangan sa isang bahagi ng Mabini Street, Barangay Bagua 3.
Nakaligtas si Pasawiran, na ayon sa pulisya ay siyang target ng ambush, habang sugatan sina Avila, Guimba, Masulot at Palulod na agad nadala sa Cotabato Regional Medical Center.
Sa ulat sa mga himpilan ng radyo sa lungsod noong Sabado, sinabing may panglimang sugatan sa insidente na naisugod sa Cotabato Sanitarium Hospital sa Barangay Pinaring, Sultan Kudarat,
Maguindanao del Norte, at kinumpirma ng mga doktor na kanila na itong ginamot at agad ring umalis dahil hindi naman maselan ang sugat.
Natagpuan ng mga pulis at barangay officials ang sasakyan ng mga salarin na isang Suzuki minivan nang abandonahin sa madilim na lugar ng Barangay Rosary Heights, Cotabato city at may nakuhang isang .45 caliber pistol sa loob nito.