Advertisers
Ni Rommel Gonzales
BUKOD sa pag-aartista ay nag-aaral si Elijah Alejo sa Manila Central University bilang first year college student sa kursong Medical Technology.
Lahad ni Elijah, “Actually po hindi ko po iyon first choice, e ang kaso po inisip ko rin po na kung gusto ko po talagang mag-doktor in the future, yung Med Tech po yung kumbaga pinakamaganda.
“E hindi ko rin po kaya ang Nursing, e.”
Dating nasa cast ng Prima Donnas, natanong namin si Elijah kung may bonding moments pa ba sila ng mga dati niyang kasama sa naturang GMA teleserye tulad nina Jillian Ward, Sofia Pablo at Althea Ablan?
“Ahmm as of now wala na po masyado,” sagot ni Elijah, “kasi si Jill po nasa Abot Kamay [Na Pangarap] so halos everyday po yung taping niya.
“Pinagsasabihan ko na nga po na magpahinga kasi nag-o-overfatigue po siya lagi.
“Si Althea naman po busy rin po sa taping ng Forever Young.
“Si Sofia po nagsisimula na po siya for Ang Prinsesa Ng City Jail.”
Ang Forever Young at Ang Prinsesa Ng City Jail ay mga upcoming TV programs ng Kapuso Network.
Pagpapatuloy ni Elijah,
“So ako naman po medyo rest po ngayon naka-focus po ako sa school kaya hindi rin po magka-ano po yung mga paths namin.”
Bida si Elijah sa Field Trip na isang suspense/adventure movie ng PinoyFlix Entertainment Production, Inc. ni Jose “JR” Olinares na siya ring direktor ng naturang pelikula.
Gaganap si Elijah sa pelikula bilang si Angela.
Nasa pelikula rin, na isinulat ni Eric Ramos at ipalalabas sa Nobyembre 2024, sina Jeffrey Santos, Dindo Arroyo, Simon Ibarra, Alex Medina, Dexter Doria, Jennifer Lee at Poppo Lontoc.
Nasa pelikula rin bilang si Jerry si MJ Manuel (na nominadong Best New Movie Actor sa PMPC’s 40th Star Awards for Movies para sa pelikulang Unspoken Letters) at si Gab Dekit bilang si Rhian.
Ang mga newbie stars na ay sina Nicole Alayon, Mika Pardo, Jea Manalo, Natsumi Nose, Abegail Tabiolo, Kate Ronco, Angel Llames, at Ron Medina.
May pakulo ang PinoyFlix Entertainment Production, Inc. (nina direk JR at Production Manager Sam Faj. Calaca) sa mga manonood ng Field Trip dahil may pa-raflle sila sa mga movie ticket holder kung saan may mapapanalunang condo unit at marami pang malalaking papremyo.
***
MAY mga natutunan mula kay Lea Salonga ang The Voice Philippines finalist na si Rainner Acosta.
“Marami akong natutunan kay Lea lalo na kung paano ko dapat mahalin ang trabaho ko. Siya ang nagturo sa akin na kapag may laban ibigay ko ang 200 percent ko.
“Kasi sa actual na laban, bababa ng 50 percent kung ano ang napractice ko. Kung bumaba man nyan, may 100 percent pa. Huwag kang magpa-practice ng 100 percent lang na akala mo okay na,” pahayag ni Rainner.
Limang taong huminto sa pag-awit si Rainner at kaya siya nawalan ng gana na mag-perform ay dahil sa dati niyang karelasyon.
“Dumating sa point na ayaw niya akong kumanta. Nawalan ako ng ensayo kasi ayaw na niya akong pakantahin. Siguro nagseselos,” saad ni Rainner.
Kaya kahit nasaktan ay kinaya niya na wakasan ang kanilang relasyon.
May natutunan rin siya mula dito…
“Kailangan magtira ka para sa iyo. Noon akala ko pag pinipigilan niya ako, para sa kabutihan ko lang yun. I realize na ginawa niya yun para sa sarili lang niya. Hindi kami magbe-benefit doon. Hindi masamang magmahal ng sobra pero kailangan mahalin mo rin ang sarili mo.”
Ngayon ay nagbabalik na sa music scene si Rainner.
“Magiging visible na uli ako sa music scene,” lahad ni Rainner na grand-nephew ng yumaong OPM icon na si Rodel Naval.
Magkakaroon siya ng mini-concert na pinamagatang “Getting Back on Track” sa The New Music Box sa Timog, Quezon City, sa July 14 at 18.
Ang Bulakenyong singer ay naging three-time defending champion ng Tawag Ng Tanghalan sa “It’s Showtime” ng ABS-CBN.
Last year 2023 ay grand finalist at multi-medal winner si Rainner sa US World Championships of Performing Arts (WCOPA).
Sa lovelife ay maligaya ngayon si Rainer sa piling ng misis niyang si Dr. Nannette R. Rey-Melgarejo, Past President ng Philippine Heart Association (2018-2019) at associate professor sa De La Salle College of Medicine. Isa ring mang-aawit, ang misis niya ang naging inspirasyon upang muling ituloy ni Rainner ang pag-awit.