Advertisers
Ni Cris Ibon
ISA sa unang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa mga pinuno ng law enforcement agencies nang maupo ito noong May 2022 ay ang ganap na pagsugpo sa iba’t- ibang uri ng smuggling kabilang na ang agri-products at produktong petrolyo, ayon sa mga Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB).
Sinabi ng naturang Region 4-A based anti-crime and vice crusaders, hindi man tuwirang binanggit kung anong ahensya ng pamahalaan, pero sa government work structure, malinaw na trabaho ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Customs (BOC) at port authorities ang pagharap sa problema ng smuggling.
Ngunit dalawang taon na ang Marcos Jr. administration ay tila pumasok lang sa kaliwang tenga at lumabas sa kabilang tenga ang utos na ito ng Presidente sa mga hepe ng PNP at NBI, dahil imbes na mabawasan ay lalong naging mapangahas at laganap pa ang operasyon ng oil and petroleum smuggling gamit ang iba’t-ibang pribado at pampublikong dau-ngan sa bansa, pahayag ng MKKB.
Dahil hindi kumikilos ang PNP, BOC at NBI, nagmumukhang “inutil” ang liderato ni Pangulong Marcos Jr. laban sa oil and petroleum smuggling, na ayon sa kanyang economic managers ay dahilan ng pagkawala ng bilyones na halaga ng buwis para sa kaban ng bayan na dapat sana ay nakokolekta sa taripa ng petroleum products kung ginagawa lamang ng mga nabanggit na ahensya ang kanilang trabaho.
LANTARANG PETRO SMUGGLING NI “DONDON ALAHAS” SA BATA-NGAS AT QUEZON
Noong Hunyo ng nakaraang taon, ibinulgar ni Senator Raffy Tulfo sa Senate investigation ang isang “Dondon Alahas” ang isa sa mga bigtime sa siyam na “untouchable” petro smugglers na hanggang sa kasalukuyan ay nag-o-operate sa mga daungan sa bansa.
Gamit na puslitan ni Dondon Alahas ng gasolina at krudo ang pantalan ng Batangas City sa BarangaySta Clara at sa mga baybayin ng mga bayan ng San Juan, Batangas at Sariaya, Quezon, ang pagbubulgar ng naturang grupo.
Linggo-linggo ang parating ng smuggled petro products ni Dondon Alahas lulan ng mga barko o barge na dumadaong sa pier ng Batangas City mula sa mga bansang Malaysia at China.
Dito ay kaagad na dinidiskarga sa mga nag-aantay na mga tanker truck at idenideliber sa mga buyer na gasoline station operator sa halos mga rehiyon sa Luzon. Marami ding tanker truck ang naghahakot ng mga ipinuslit na kontrabando sa mahigpit na nababantayan ng mga aktibong miyembro ng PNP at mga armadong goon na burikian sa Brgy. Aguila, bayan ni San Jose Mayor Bien Patron.
Nasa gawing likod lamang ng bahay ni Brgy. Aguila Chairman Felix Gutierrez ang kuta ni Dondon Alahas, ngunit kaduda-dudang ‘di ito pinaaaksyunan ng naturang barangay chief at maging ni Mayor Patron, ayon sa MKKB.
Ang mga ninanakaw na produktong petrolyo ay binibili ni Dondon Alahas at ng kapatid nitong si alyas Niño sa mababang halaga mula sa mga kakutsabang tanker truck driver.
Matapos pagnakawan ang kargamento ng tanker truck ay binabantuan ng kemikal na Methanol upang hindi mahalata ng may-ari ng hauler truck na napagnakawan ng grupo ni Dondon Alahas ang mga naturang kargamento.
KERNEL AT BULOY SA BURIKI AT COLORUM VAN SA BATANGAS CITY
BUKOD kay Dondon Alahas, may isang aktibong police colonel at tauhan nitong pekeng police Sgt. Buloy ang sumisira sa malinis na imahe ni PNP Chief, Gen. Rommel Francisco Marbil, at Interior Secretary Benhur Aba-los. Sila ang pasimuno sa oil at petroleum pilferage, kilala sa tawag na buriki/paihi, na lan-tarang nag-o-operate sa harap lamang ng main gate ng Batangas City sa Brgy. Sta. Clara, malapit sa mga tanggapan ng Philippine Coast Guard at BOC.
Mula sa mga kontak na smuggler ay milyong litro ng krudo at gasolina ang inilalabas ng natu-rang police official at Sgt. Buloy gamit ang ilang tanker tuck para ilipat sa kanilang imbakan sa lote ng isang Chinese na alyas Tan.
Ang paihing petrolyo ay binibili naman ng mag-amo sa mga suking magnanakaw na tanker truck driver at binebenta sa mga may-ari ng gasolinahan sa Luzon areas, mga rehi-yon sa Visayas at MIMAROPA.
Ang colonel at Sgt. Buloy tandem din ang pasimuno sa opera-syon ng higit sa 500 unit colorum van na may illegal terminal din sa loob ng compound ng Batangas City Pier, katabi lamang ng opisina ng BOC. May kotong na P800 “butaw” ang dalawa sa bawat biyahe ng mga colorum van, na umaabot sa milyones na halaga araw-araw.
Samantala, hiniling ng MKKB sa administrasyon ni PBBM na silipin ang “kolektong activity” ng isang nagpapakilalang Duterte Die Hard Supporter (DDS) na nasibak na PNP na si alyas Sgt. Adlawan.
Gamit ng mangingikil na si Adlawan ang pangalan ng matataas na opisyal ng gobyernong Marcos Jr., PNP at NBI sa kanyang pangongolekta ng lingguhang “intelihensiya” sa mga ilegalista sa CALABARZON, partikular na kinikikilan ang mga smuggler at mga vice operator tulad ng STL bookies, pergalan (perya na pulos sugalan) at saklaan sa Tanauan City, Sto. Tomas City, Lipa City, Nasugbu at Padre Garcia.
Nagpapakilala si alyas Sgt. Adlawan na lider ng inorganisang team ng tong kolektor nina alyas Maklang at Wano ng Camp Crame, at kasamang ipinangongolekta ng tongpats sina Gen. Marbil, Batangas PNP Provincial Director Col. Jacinto “Jack” Malinao, iba pang PNP officials at ilang opisyales ng Marcos Jr. Administration.