Advertisers
Kinondena ng mga lokal na opisyal ang isinasagawang “survey” ng kapulisan sa Bayan ng Mabini, Batangas kung saan tinatanong ang mga elected local barangay officials kung kanino sila kumakampi sa kasalukuyang pulitika ng bayan.
Nagdulot ang nasabing survey ng kontrobersya at agam-agam sa mga opisyal at mamamayan ng Mabini.
Sa bayan ng Mabini, hayag na magkalaban sa pulitika ang pamilya ng nakaupong Mayor Nilo Villanueva at ang kontra partido nilang si dating Mayor Noel Luistro. Nagdudulot ng pangamba ang nasabing survey dahil tila pamumulitika ito ng kapulisan sa ilalim ng pagpapanggap na isang survey.
Ayon sa mga lokal na opisyal, hindi katanggap-tanggap ang ganitong klase ng pamumulitika ng kapulisan dahil malinaw na naglalayon ito na impluwensyahan ang mga opinyon at pagkakaisa ng mga barangay officials. Nagpahayag ng kanilang pagkadismaya ang mga opisyal at sinabi nilang nagpapakita ito ng kawalang respeto sa kanilang mga posisyon at sa proseso ng demokrasya.
Nanawagan ang mga local barangay officials sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP), partikular kay PNP Chief Rommel Francisco Marbil, na agarang imbestigahan ang insidenteng ito.
Pinangalan ang isa umanong pulis na si Salavaria na isa sa mga nagsasagawa ng survey.
Hiniling nila na matigil ang ganitong mga gawain at masigurong mananatiling neutral ang kapulisan sa mga usaping pulitikal upang mapanatili ang tiwala ng mamamayan.