Advertisers
Nasawi ang isang dating overseas Filipino worker (OFW) nang saksakin ng live-in partner sa Himamaylan City, Negros Occidental noong Biyernes.
Kinilala ni Himamaylan City Police Station (HCPS) chief Police Lt. Col Anthony Grande ang biktima na si Rose Ann Gahito, 29-anyos, residente sa Purok Rizal, Barangay Talaban sa nasabing lungsod.
Sa report, nagalit ang 32-anyos na salarin nang hahakutin na ng biktima ang kanyang mga gamit noong Biyernes nang umaga. Naghinala umano ang salarin na may iba nang lalaki ang biktima kaya nagtalo ang mga ito.
Sa kasagsagan ng kanilang pag-aaway, kumuha ng patalim ang salarin at pinagsasaksak ang biktima sa dibdib, tiyan at leeg. Dinala ng mga kapitbahay at mga taga-barangay ang biktima sa ospital pero idineklara itong dead on arrival ng doktor.
Nadakip ang salarin sa inilunsad na follow-up operation ng pulisya ilang oras pagkatapos ng krimen.