Advertisers
IPINAAARESTO ng House of Representatives ang dating presidential adviser ni dating Pangulo Rody Duterte na si Michael Yang (Hong Ming Yang ang tunay na pangalan) kaugnay sa pagkakasangkot nito sa P3.6 billion drug bust sa Mexico, Pampanga nitong nakaraang taon.
Nilagdaan ni House Secretary General Reginald Velasco ang ‘arrest order’ matapos i-contempt ng House Committee on Dangerous Drugs ang negosyanteng Chinese national dahil sa patuloy nitong hindi pagdalo sa pagdinig ng komite.
Agad naman isinilbi ni House Sergeant at Arms retired General Napoleon Taas at ng kaniyang team ang arrest order laban kay Yang sa Fortun-Law Offices sa Las Piñas City.
Si Yang ay ay nauugnay sa incorporator ng Empire 999 Realty Corporation na nagmamay-ari sa warehouse kungsaan nasamsam ang P3.6 billion halaga ng shabu.
Sinabi ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers, ang chairman ng Komite, na unanimous ang boto ng mga miyembro na i-contempt si Yang.
Nilabag ni Yang ang Section 11 ng Rules of Procedure Governing Inquiries in ‘Aid of Legislation’.
Inihayag ni Barbers na batay sa kanilang pagdinig, konektado si Yang sa kompanya na nagmamay-ari ng nasabing warehouse.
Sinabi ni Barbers na batay sa nakuha nilang impormasyon wala na sa bansa si Michael Yang, at ang huling ulat ay nasa Dubai na ito.
Ayon sa Kongresista, makikipag-ugnayan ang kaniyang komite sa Bureau of Immigration at Department of Foreign Affairs upang i-alerto ang ibang bansa hinggil sa inilabas na arrest order.
Ipinunto ni Barbers na mahalaga ang testimonya ni Yang hinggil sa illegal drug smuggling activities.
Si Yang ay tinukoy ni dating narcotics Police Colonel Eduardo Acierto at dating Davao City Police Arturo Lascañas, umaming hitman ng Duterte Death Squad (DDS), na isang drug lord.