Advertisers

Advertisers

LUMUBOG NA M/V MIROLA 1, CARGO NG PAIHI SYNDICATE!

0 1,313

Advertisers

Ni CRIS A. IBON

ISA sa tatlong lumubog na barko sa karagatan ng Bataan noong kasagsagan ng bagyong Carina na may lulang krudo at gasolina, na nagdudulot ngayon ng polusyon at malaking pinsala sa mga yamang-dagat ng Bataan, Bulacan at Manila Bay, ay ang barkong ginagamit sa smuggling, oil theft o petroleum pilferage na kilalang buriki o paihi.

Naganap ang pagsisiwalat sa gitna ng kontrobersyal na ‘di pag-aksyon ng Batangas PNP Provincial Police Office, PNP Region 4A, CIDG, National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Coast Guard (PCG) laban sa sindikatong buriki/paihi sa kahabaan ng Bypass Road, Barangay Banaba, San Pascual, Batangas na minamantine ng isang Delzon Adik alyas Etring, alyas CJ Pilar alyas Agojo at Efren kungsaan naganap ang hindi napa-blotter na barilan ng dalawang lasing na pulis na bodyguards ng lider ng sindikato sa loob mismo ng nababakurang burikian kamakailan.



Sa kabila ng ebidensyang larawan ng burikian na kuha ng Police Files Tonite (PFT), nananatiling walang aksyon laban dito sina San Pascual Mayor Antonio Dimayuga, Police Chief Major Ricky Malinao Fornolles, Batangas PNP Provincial Director Colonel Jacinto “Jack” Malinao Jr. at maging si PNP Chief Rommel Francisco Marbil.

May dalawa pang untouchables na burikian sa Batangas, isa ay ang ino-operate din nina Delzon Adik, dismissed scalawag na Calamba City Police na si alyas Roy sa boundary ng Taal at Lemery, hurisdiksyon ni Taal Mayor Fulgencio Mercado at Police Chief Capt. Rommel Magno. Ang isa pa ay ang pinatatakbo ng Die Hard Supporter (DDS) PNP Colonel at pekeng Sgt. Buloy sa harap ng main gate ng Batangas City Pier, Brgy. Sta Clara.



Ang naturang colonel at fake Sgt. Buloy din ang nagmamantine ng multi-milyong colorum van at illegal terminal operation sa loob ng compound ng Batangas City Pier.

Ibinulgar naman ng isang PCG insider sa PFT na ang cargo vessel na unregistered M/V Mirola 1, na inaalam pa ang homeport at may-ari, ay lumang barko na nagsisilbing loading at unloading ship o imbakan ng puslit na krudo at gasolina na nagmumula sa mga lalawigan ng Bataan at Batangas.



Ang naturang barko ay ginagamit umano ng sindikatong “Violago Group”, na kilalang lider ng untouchable na grupong nag-ooperate ng buriki/ paihi, na kasosyo ng isang “Amang” sa Brgy. Bancal, Carmona City, Cavite. Isa din ang naturang barko sa imbakan ng smuggled na petroleum products mula Malaysia at China.

Bukod sa Cavite at Batangas, ginagamit din ng Violago Group ang mga bayan ng Mariveles at Limay Port, ganon din ang Navotas Port sa operasyon ng kanilang malawak at well-organized na paihi, ayon pa PCG source ng PFT.

Ayon sa PCG informant, ang M/V Mirola 1 ay kinakargahan ng smuggled na petroleum product sa mga private port sa Bataan at pagkatapos ay dadalhin sa gitna ng dagat na may layong tatlo hanggang anim na milya mula sa pampang kungsaan naghihintay ang kapitan at crew nito ng hudyat ng kasabwat na port official upang dumaong sa pier at mabilisang magdiskarga ng kanilang kontrabando.

Kapag “tagilid” ang sitwasyon at may mga ‘di kasanggang awtoridad ay dinidiskarga ang mga kontrabando sa pamamagitan ng mga pump boat o motorized banca na may mga lalagyang plastic drum at container. May mga kontak ang Violago Group sa mga awtoridad na nagbabantay sa dagat tulad ng PCG, Philippine Navy (PN), Maritime Police at Bureau of Customs na tumatanggap ng milyong tara para hindi mabulabog ang dumadaong na cargo ship.

Pagdating sa kalupaan, may mga kontak sa Regional at Provincial Command, CIDG at NBI ang sindikato. Ayon pa sa source, noong nakaraang taon ay hinuli ng PCG ang M/V Mirola 1 sa baybayin ng Navotas na nagresulta sa pagkadakip ng may 18 katao habang nagsasalin ang sindikato ng pinaihing diesel mula sa naturang cargo ship sa mga pump boat o motorized banca na kinilalang Palawan Pirate 2022, Palawan Pirate 2023 at Palawan Patrick.

Ang mga naturang motorized banca ay ginagamit din sa buriki/paihi operation ng sindikato sa karagatan ng Manila, Batangas at Bataan. Gayunman, nabalewala ang pagkaaresto sa mga miyembro ng sindikato, pagkat pinalamig lamang ang sitwasyon at pagkatapos ay muli nang nakapaglayag ang M/V Mirola 1, hanggang lumubog nitong kasagsagan ng bagyong Carina.

Bukod sa M/V Mirola 1, lumubog din ang M/T Terra Nova, at M/T Jason Bradley na dahilan ngayon ng pagkukumahog ng gobyerno upang pigilang kumalat ang milyong litro ng petro products na tumatagas mula sa tatlong barko na patuloy na lumalason sa mga lamang dagat ng Manila Bay, Cavite, Bataan hanggang sa Bulacan.

Ipinagbabawal na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pangingisda sa mga karagatang naabot ng malawakang polusyon na lalong nagpahirap sa kabuhayan ng mga mangingisda.

Ayon sa PCG source, bukod sa grupo nina Violago, may iba pang sindikatong kumikilos sa CALABARZON, Region I, Region III at port ng Manila. Ang mga barge at barko ay ginagamit ding imbakan ng smuggled at pinaihi o binuriking petroleum at oil product at sa operasyon ng iba pang labag sa batas na negosyo. May karugtong…