Advertisers
PAIIMBESTIGAHAN ni House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Partylist Rep. Jil Bongalon sa Kamara ang umano’y iregularidad sa bidding para sa ?8 bilyong halaga ng laptop at iba pang e-learning materials sa ilalim ng Department of Education (DepEd) Computerization Program sa panahon ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Isinulong ito ni Bongalon, makaraang lumabas sa pagbusisi ng House Committee on Appropriations sa P793.18 Billion na proposed 2025 budget para sa DepEd ay naglaho ang sana ay P1.6 bilyong matitipid ng gobyerno mula sa naunang bidding ng proyekto.
Samantala, lumabas din sa budget hearing ang kabiguan naman ng DepEd sa ilalim pa rin ng pamumuno ni VP Sara na maipamahagi ang halos P9 bilyong halaga ng laptop at iba pang e-learning equipment.
Sa budget hearing ay kinumpirma ng direktor ng Information and Communications Technology Service (ICTS) ng DepEd ang ulat ng Commission on Audit (COA) na noong 2023 ay P2.18 bilyon lamang sa P11.36 bilyong budget ng ahensya ang nagastos para sa computer, laptop, smart television set, at iba pang e-learning equipment.
Batay sa 2023 COA report, ang DepEd Computerization Program (DCP) ay mayroon lamang 50.07 porsiyentong utilization rate at zero accomplishment noong 2023.
Samantala naniniwala naman si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na isang impeachable offense ang maling paggamit ni Vice President Sara Duterte ng confidential fund.
Pahayag ito ni Castro makaraang maglabas ang Commission on Audit (COA) ng Notice of Disallowance sa ginawang paggastos ng tanggapan ni VP Duterte sa P73 milyong pondo na bahagi ng P125 milyong confidential fund nito noong 2022.
Kabilang sa Notice of Disallowance ng COA ang:
• Reward Payment – 10 milyon
• Iba’t ibang produkto na ibinayad bilang reward – 34.857 milyon
• Gamot bilang pambayad ng reward – 24.930 milyon
• Pagbili ng mga lamesa, upuan, desktop computers, at printers – 3.5 milyon
Para kay Castro, malinaw ang punto ng COA na ang paggamit ni VP Duterte ng confidential fund ay hindi nakasunod sa Joint Circular No. 2015-01.
Bukod sa ?125 milyong confidential fund na ginastos noong 2022, ay iginiit ni Castro na dapat ding suriin ang paggastos ni VP Sara ng ?372 milyon sa ?500 milyong confidential fund nito noong 2023.
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.