P2K na pagtaas sa sahod ng JOs at contractual sa City Hall, inanunsyo ni Mayor Honey
Advertisers
PINASALAMATAN ni Mayor Honey Lacuna ang mga miyembro ng Manila City Council sa kanilang pag-apruba sa dalawang city ordinances na nagkakaloob ng P2,000 pagtaas sa sahod ng mga job order at contractual workers ng Manila City Hall.
Inanunsyo ni Lacuna ang magandang balita matapos niyang pangunahan ang Monday flagraising ceremony sa City Hall sa kabila ng pagsuspinde ng Malacanang ng trabaho sa gobyerno dahil kay ‘Enteng.’
“Sila (job orders and contractuals) ‘yung talagang mabibigat ang mga tungkulin at alam nating di sapat ang natatanggap nila buwan-buwan kaya natin itinaas ang sahod nila. Salamat sa ating konseho sa pamumuno ni Vice Mayor Yul Servo para sa agarang pag-approve ng dalawang ordinansa,” saad ni Lacuna.
Ang dalawang ordinansa na nagbibigay kapangyarihan para maitaas ang sahod ng mga contractual at job order workers ay pangunahing iniakda nina Councilors Philip Lacuna, Pamela ‘Fa’ Fugoso at Ernesto Isip, Jr.
“As the cost of goods and services have risen over time, an increase in the compensation of Contract of Service (COS) personnel and job order (JO) workers is necessary to help mitigate the impact of inflation and to enable them to meet their daily basic needs,” pahayag ng tatlong Konsehal sa kanilang explanatory note.
Sakop ng pagtaas ay ang mga street educators, nursing aides., trainors ng Manila Department of Social Welfare gayundin ang nga barangay nutrition scholars and barangay health workers sa ilalim ng Manila health department.
Samantala, ang implementasyon ng first tranche ng Modified Salary Schedule para sa local government personnel ay alinsunod sa Executive Order (EO) No. 64, s. 2024 na ipinalabas noong August 2, 2024 ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (ANDI GARCIA)