Advertisers
SA pag-upo ni Rodrigo Duterte bilang pangulo ng bansa noong 2016, ipinangako niya ang isang matinding kampanya laban sa iligal na droga na magwawakas sa problema sa loob ng anim na buwan.
Subalit sa halip na sugpuin ang kalakaran ng droga, ang Pilipinas ay lalong nutulak patungo sa pagiging isang narco-state— isang bansa na nahulog sa kamay ng mga sindikatong nagkokontrol sa gobyerno at ekonomiya.
Sa mga huling pagdinig ng QuadComm sa Kongreso, lumitaw ang mas nakakikilabot na katotohanan tungkol sa diumano’y tunay na layunin at operasyon ng kanyang pamamahala. Ang mga testimonya at rebelasyon ng resource persons ay nagbigay ng isang nakakatakot na larawan ng dating pangulo at ng kanyang pamilya. Lumitaw ang mga nakakagulat na rebelasyon hinggil sa malalim na pagkakaugat ng mga iligal na organisasyon sa lehitimong mga institusyon ng bansa. Ang mga grupong ito, na sangkot sa produksyon, pagpapadala, at pagbebenta ng droga, ay ginamit ang puwersa, panunuhol, at blackmail upang makuha ang kontrol sa mga ahensya ng pamahalaan at magpatuloy ang kanilang operasyon nang walang sagabal.
Isa sa mga pinaka-kilalang pahayag ay ang testimonya ni Jimmy Guban, isang customs intelligence officer, na naglantad ng isang malakihang shabu smuggling na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon noong 2018.
Ayon kay Guban, pinayagan itong makalusot sa Bureau of Customs dahil ang mga consignee diumano’y sina Paulo Duterte, anak ng pangulo; Mans Carpio, manugang ng pangulo na asawa ng bise presidente; at Michael Yang, isang presidential adviser.
Bukod kay Guban, inilantad din ni Police Lt. Colonel Jovie Espenido, na kilala sa kanyang papel sa kontrobersyal na war on drugs ni Duterte, ang kanyang mga natuklasan sa kampanya laban sa iligal na droga ng nakaraang administrasyon.
Ibinunyag niya na ang Philippine National Police (PNP) ay “ang pinakamalaking grupo ng kriminal sa bansa”. Ibinulgar din niya na nagkaroon ng quota at reward system sa ilalim ng administrasyon, kungsaan binabayaran ang mga pulis para sa bawat drug personality na kanilang napapatay.
Kasama sa kanyang testimonya ang pagtukoy kay dating PNP chief ngayo’y senador na si Ronald “Bato” de la Rosa, na umano’y nag-utos sa kanya na patayin ang mga hinihinalang sangkot sa mga bawal na gamot. Dagdag pa rito, tinukoy niya ang reward system ng drug war, na pinondohan umano ng kita mula sa small-town lottery at Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na pinahintulutan ni Duterte na pumasok sa bansa.
Isang teorya na malawakang natalakay ay ang diumano’y plano ni Duterte na maging pinakamalaking drug lord sa bansa. Ayon sa teoryang ito, nais niyang patalsikin ang malalaking drug lords upang siya ang maghari sa kalakaran ng droga sa Pilipinas. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit agad niyang inilunsad ang drug war pag-upo niya sa pwesto, habang ang kanyang mga kapamilya at kaibigan ay patuloy na nakakagawa ng mga iligal na gawain habang siya ay namumuno bilang presidente ng bansa.
Salungat sa kanyang polisiya laban sa droga, ang mga testimonya sa QuadComm ay nagbibigay ng isang nakakakilabot na larawan ng administrasyon ni Duterte, na ipinakikita ang Pilipinas na nahuhulog na sa kamay ng mga sindikato ng droga.
Ang mga detalyadong pahayag ng mga testigo ay naglalarawan ng isang sistematikong plano na isulong ang kontrol ng sindikato sa bansa, at nagtuturo kay Pangulong Duterte bilang utak at protektor ng grupo ng kriminalidad, mula sa iligal na droga hanggang sa POGOs, human trafficking, at ang malawakang pagpatay ng drug suspects.
Sa mga nalalantad sa Kongreso, hindi makakaila na ang Pilipinas ay nagiging isang narco-state sa administrasyon ni Duterte, kungsaan ang mga sindikato ng droga ay hindi lamang nagkokontrol sa ekonomiya kundi pati narin sa mga pangunahing institusyon ng gobyerno. Ang implikasyon ng mga natuklasan ay nagdudulot ng matinding pangamba—na ang pamahalaan mismo ay ginagamit ang kapangyarihan upang palakasin ang kalakaran ng droga, imbes na ito’y puksain. Mismo!